DOTr SEC. BAUTISTA GUSTO YATANG PALITAN NA NAMAN ANG MGA GAMIT NG CAAP SA NAIA?

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ITINUTURO ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa UPS o Uninterruptible Power Supply, ang ­problema sa pagkakabalam ng operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nito lang unang araw ng bagong taon, na nagresulta ng abala sa mahigit na 56,000 na pasahero na paalis at parating sa NAIA noong January 1, 2023.

Ipinaliwanag ni DOTR Sec. Jaime Bautista na mayroong ­supply ng kuryente ang NAIA nang mangyari ang insidente at ang pagkasira nga ng UPS na konektado naman sa power ­supply ng Communications Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM) ng Air Traffic Management Center ng CAAP, ang naging sanhi ng pansamantalang pagpapatigil ng pag-alis at pagdating ng commercial flights sa NAIA.

Ayon kay CAAP Director General Captain Manuel Tamayo, nagloko ang dalawang UPS na ginagamit ng Air Traffic ­Management Center, nasira raw ang cooling blower ng isa at hindi naman gumana ang ikalawang UPS sa hindi malamang kadahilanan. Kaya nawalan ng kuryente ang CNS/ATM na ­siyang nagdidirekta ng traffic para sa commercial flights sa NAIA.

Ayon sa aming kasamahan na si Tony Gildo, na naka-assign sa NAIA, maituturing na bago pa ang mga kagamitan ng Air Traffic Management Center ng CAAP, dahil ito ay napasinayaan pa lang noong 2017 sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pwede bang masira ang kagamitan na ginugulan ng bilyong piso ng gobyerno sa loob ng limang taon lamang? ‘Di ba dapat ay heavy duty ang mga ito para hindi agad-agad na masisira?

Hindi ba regular na iniinspeksyon ng CAAP ang dalawa nilang UPS na pinanggagalingan ng power supply ng ­equipment ng Air Traffic Management Center? Gayon na alam nila na malaki ang magiging epekto kapag nasira ito, sa operasyon ng paliparan?

Hindi ko rin maintindihan bakit ikinukumpara ni DOTr Sec. Jaime Bautista ang equipment na ginagamit natin, sa bansang Singapore, na ayon dito ay advance ng sampung taon. ­Samantalang alam natin na hindi tayo pwedeng makipagsabayan dito dahil maunlad sila kumpara sa atin? Nagpaparinig ba ang kalihim ng DOTr na kinakailangan na namang gumastos ng bilyong piso ng gobyerno upang mapalitan ang mga kagamitan ng CAAP na hindi pa naman obsolete?

151

Related posts

Leave a Comment