‘DRESS CODE’

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

AKO ay kasapi ng simbahang Katoliko Romano. Noong munting totoy pa ako sa bayan ng Lucban, Quezon sa paanan ng Bundok Banahaw, kinagawian ko na ang magkrus sa aking noo sa bawat pagdaan ko sa harapan ng simbahan. Nakaluhod pa ang aking isang tuhod.

At sa pagtunog ng kampana pagsapit ng alas-sais ng hapon bilang tanda ng orasyon, kailangang humagibis ako ng uwi sa bahay upang abutin ko pa ang lola ko sa kanyang pamumuno ng pagdarasal. Dahil kung hindi ako aabot, awtomatik na magdarasal ako nang solo pagkatapos akong paluin ng tsinelas sa puwit.

Minsan ay pinangarap ko rin ang maging pari. Hindi lang natuloy dahil sa mga naging distraksyon sa buhay noong aking kabataan.

Ang kapatid na bunso ng aking namayapang Daddy ay isang Jesuit priest. Si Fr. Francisco Mallari, 96 na ang kanyang edad. Siya ang pinakamatanda ngayon sa mga buhay na paring Heswita sa Pilipinas. Malakas pa rin siya. Nasa kalinga siya ng Jesuit Wellness Center sa Ateneo de Manila.

##########

Sa abot ng aking makakaya ay matapat kong sinusunod ang doktrina ng aming simbahan lalo na ang pagkalinga sa mga nasa laylayan ng lipunan. Sa mata ng Panginoong Diyos, mas lalong kailangan ng gabay ang mga kapus-palad at nagdarahop sa buhay.

Kaya nagulantang ako sa patakaran ng mga pari sa isang simbahan sa Cebu na nagtakda ng “dress code” sa sinomang papasok sa bahay dalanginan. Kabilang sa listahan ng mga bawal ay ‘yung nakatsinelas, short pants, madungis na damit, mga seksing kasuotan ng babae atbp. Sinomang hindi sumunod, hindi makapapasok. Haharangin ng guwardya.

Wasto lang na paalalahanan na magsuot nang maayos ang sinomang papasok sa simbahan lalo na ang mga kababaihan. Dahil agaw-pansin sa pagdadasal ang nakatutuksong mga kasuotan.

Pero ‘yung magtakda ng “dress code” at ang hindi susunod ay bawal pumasok, isa itong pagtalikod sa aral ng Panginoong Diyos na bukas ang kanyang tahanan para sa lahat.

##########

Naalala ko ang aming karanasan ng aking esposa noong panahon ng COVID-19 pandemic. Sarado noon ang maraming simbahan. Nagdarasal lang kami sa loob ng aming sasakyan. Kaya ang tuwa namin na may madaanan kaming simbahan na may nagaganap na banal na misa sa loob.

Short pants at sleeveless t-shirt ang suot ko. Si kumander naman ay casual jogging pants. Pareho kaming nakatsinelas. Konti lang ang tao.

Pagkaupo namin ay nagsimula na ang homiliya ng pari. Ang una niyang binanggit: “Kung papasok kayo ng simbahan ay ‘wag kayong naka-short at sando lang. Magbihis kayo nang maayos. Igalang ninyo ang tahanan ng Diyos”.

Kumulong bigla ang dugo ko. Kami ang kanyang tinutumbok dahil kita niya ang aming pagpasok. Hinusgahan niya kami na walang pagrespeto sa Diyos dahil sa aming kaayusan.

Dahil ba sa aming suot ay winawalang-galang na namin ang simbahan? Sinusukat ba ng pari ang sagradong intensyon ng sinomang sumisimba batay sa kasuotan?

##########

Sa takbo ng utak ng pari ay hindi puwedeng pumasok sa simbahan ang pulubing nanlilimahid ang suot. Ang itinuturing na mga yagit sa lipunan na dahil sa kanilang kahirapan ay hindi maayos ang damit.

Hindi ko na tinapos ang homiliya. Tinalikuran ko na ang pari matapos ang paghingi ko ng pang-unawa sa patron ng simbahan.

Sa mga kapuspalad, mas uunahin nila ang pagbili ng pagkain kaysa damit sa kanilang katawan.

Pero sa kabila ng kanilang kahirapan ay nandoon pa rin ang kanilang pagtanaw sa simbahan bilang kadluan ng lakas sa kanilang patuloy na pakikibaka.

Pumapasok sila para manalangin maski madungis ang damit upang humingi ng tulong, awa at patnubay sa Poong Maykapal.

Naalala ko ang sinabi ni Bishop Ambo David ng Diocese of Caloocan na kamakailan ay hinirang na Cardinal ni Pope Francis.

“If the poor will not come to the Church, we will bring the Church to the poor.”

Ngayon, bakit sila pagbabawalan at pagsasarhan ng pinto ng simbahan?

90

Related posts

Leave a Comment