DSWD : P5K FOOD, P3K CASH SA P8K NG GOBYERNO

PUNA
0

HINDI maintindihan ng PUNA itong si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao kung saan siya humugot ng desisyon patungkol sa ayuda ng pamahalaan na P5K-P8K na pamimigay sa 18 milyong mahihirap na ­pamilyang Pinoy.

Napakinggan ng inyong lingkod ang interview kay Dumlao ng isang kilalang broadcaster sa radio at ­telebisyon kung saan sinabi nito na kanilang gagawin ay P3, 000 lang  ang cash na kanilang ipamimigay at ang P5, 000 ay ‘in kind’ para makumpleto ang P8,000 para sa mga benipesaryo na nakatira sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa kanyang paliwanag ang ‘in kind’ na P5K na kanyang sinasabi ay ibibili nila ng food items at ito ang kanilang ibibigay sa mga ­benepisyaryo sa NCR kasama ng P3K cash para sa kauuang P8K.

Sa pinaigsing kwento ­tatlong libong pera (P3k) lang ang cash at limang (P5k) halaga ay food items ang kanilang ipamamahagi.

Ano kaya nasa isip ni Maam Dumlao bakit niya sinabi ito?

Habang tinitipa nina ­Senate President Tito Sotto at kampo ni House Speaker Allan Peter Cayetano ang panukalang pagbibigay ayuda sa pamilyang mahihirap ay malinaw pa sa sikat ng araw na cash ang pinag-uusapan ang kanilang ibibigay.

Sa loob ng 18-oras ay nabuo ang “Bayanihan to Heal as One Act” (RA 11469) na pinaglaanan ng dalawang daang bilyong piso (P200B).

Ilang araw pa lang ang nakakaraan matapos na lagdaan ni Pangulong  ­Rodrigo Duterte ang panukalang batas ay nag-iba na ang deklarasyon ng DSWD.

Ang orihinal ay cash na P8,000 ay naging P5,000  na halaga ng food items at P3, 000 lang ang cash?

Tama ba ako Maam Irene Dumlao sa narinig ko po ang inyong statement sa radio na may telebisyon pa?

Hindi kayo makakatanggi dahil nai-record ko po ang inyong sinabi.

Baka nakalimutan n’yo na may trauma na ang taumbayan sa nangyaring Bagyong Yolanda noong 2009.

Pinakaapektado ay ang Region 8 na ang ­sentro ay Tacloban City ngunit ­marami sa mga taga-Region 8 ay umusok ang kanilang galit sa DSWD at kay Mar Roxas dahil sa kabila ng ­napakaraming relief goods na donations ay marami rin sa kanila ang nagutom.

Kung naipamahagi ng tama ng DSWD ang ­donasyon ay sobra-sobra ang pagkain ng mga naapektuhan ng Yolanda.

Balik po tayo ngayon sa P5,000-P8,000 financial assistance na pinadaan sa DSWD, ‘wag po kayong magkakamali dahil ­maraming nakatingin na mga mata sa inyo.

Sabi nga ni Pangulong Duterte ‘wag ngayon!

Sa inyong statement ­nagreact na si Sen. Sotto hindi raw yan ang gusto nila.

Kaya gusto nilang cash na pera ang matanggap ng mga tao para sila na ang bahalang bumili ng kanilang gusto hindi laging delata ang kanilang kinakain.

At mayroon naman daw natatanggap mula sa mga barangay at Local ­Government Units (LGUs) kaya dapat naman ang manggagaling na sa national government ay cash na.
Rason pa ni Dumlao na kaya daw P5k halaga ng food items  sa P8k ang kanilang ipamimigay para hindi na lumabas pa ang mga tao para bumili at para maipatupad ang tamang social distancing.Sabi tuloy ni Mang Gorio na isang barbero, hindi bagay sa kanila ang social distancing dahil hindi naman sila social.

Pwede daw sa kanila ay ‘Distancia Amigo’ dahil karamihan sa kanilang hanapbuhay ay driver.

Abangan na lang po natin kung anong gagawin nila Tito Sen at Speaker Cayetano sa sinabi ni Dumlao.

Lagi po tayong mag-ingat lilipas din ang krisis na ito sa tulong ni Lord.

oOo

Para sa suhesyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment