DUAL CITIZEN SA MASS MEDIA NARARAPAT IPAGBAWAL

HINDI ko masisisi ang mga kongresista na ipagbawal na nang tuluyan ang dual citizen na mamahala o magmay-ari ng mass media company lalo na ang mga broadcast media dahil malalagay ang interest ng bansa sa alanganing situwasyon kapag nagbanggaan na ang dalawang bansa kung saan siya kapwa citizen.

Oo nga naman, kailangang purong Filipino ang dapat mamamahala at magmamay-ari sa isang broadcast network para hindi na siya malito kung saan siya papanig at mangingibabaw sa kanya ang kapakanan ng bansa.

Sa kaso ni ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III na aminadong American citizen pero Filipino rin daw dahil anak siya ng mga Filipinong magulang, walang nakakaalam kung saan siya papanig kapag nagkagiyera ulit sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.

Kahit pa sabihin ni Ginoong Lopez na sa kanyang puso, isip at gawa ay Filipino siya, hindi pa rin natin malalaman kung totoo iyan hangga’t hindi pa nagba banggaan ang Pilipinas at Amerika.

Pero tulad nang sinasabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kailangang masiguro na tanging ang interest ng Pilipinas ang mangingibabaw sa isang broadcast network kaya dapat ipagbawal ang dual citizen sa mass media company.

Kailangang-kailangang gawin ito at maiwasang mangyari na may Chinese at Filipino citizen na magmamay-ari at mamamahala ng isang mass media company lalo na ngayon nasa gitna nang iringan ang dalawang bansa sa West Philippine Sea.

Mantakin mo nga naman, kanino papanig ang isang Chinese at Filipino citizen na may-ari ng isang mass media company, lalo na ang broadcast media sa usapin nang pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS?

Kilala ang China sa pangha-harass at pananakot sa kanilang mga citizen kahit nakatira na ‘iyon sa ibang bansa o wala sa mainland China tulad nang ginawa nila sa isang publisher sa Hong Kong na kanilang dinukot at dinala sa mainland para litisin.

Hindi malayong gawin ng China Communist Party iyan sa isa nilang kababayan sa Pilipinas na may-ari ng mass media company kaya nararapat lang na ibawal talaga ang dual citizen sa mass media.

Masyadong maimpluwensya ang mass media. Kaya nilang kontrolin ang pag-iisip ng mga tao. Sakaling bigo man sila makontrol ang isip ng mga Filipino, malaking impluwensya pa rin ang ibino-broadcast nila na panig sa ating kalaban kung sakali.

Para nga naman maiwasan ito, kailangang ipagbawal na talaga ang dual citizen sa isang mass media company at masiguro na tanging ang interest lang ng ating bansa ang kanilang mga ibabalita.

Kailangang ding ipatupad ang isinasaad sa Saligang Batas na tanging purong Pinoy o 100% Filipino lang ang dapat magmay-ari sa isang media company na tila hindi nasunod sa usapin ng ABS-CBN dahil kay Gabby Lopez.

Malinaw na malinaw sa 1987 Constitution na dapat Filipino citizen ang may-ari at mamahala sa isang mass media company at hindi sinabi doon na puwede ang dual citizen.

Pero hindi ito nasunod sa kaso ni Gabby Lopez na nagsimulang mamahala sa nasabing network noong 1986 hanggang noong 2018 pero ngayon lang napansin at dapat lang talagang itama.

81

Related posts

Leave a Comment