EDUKASYON O BUHAY NG ANAK SA GITNA NG COVID-19?

DPA

PINAGDEDEBATEHAN kung nararapat bang ituloy ang pagbubukas ng klase para sa school year (SY) 2020-2021 sa Agosto 24. Parehong may katuwiran ang mga pabor at hindi pabor na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase.

Puro galing sa mga pulitiko lang ang naririnig nating opinyon pero ang apektado sa isyung ito ay ang mga magulang na sa totoo lang ay nagdadalawang-isip kung ie-enroll ba ang kanilang mga anak ngayong pasukan.

Hindi mo masisisi ang mga magulang kung hindi nila ie-enroll ang kanilang mga anak dahil walang kasiguraduhan na ligtas ang mga bata sa eskuwelahan kahit pa ipapatupad ang social distancing.

Sa ibang bansa, may mga kabataan ang tinamaan ng coronavirus taliwas sa mga paniniwala nating lahat na t anging ang mga may edad na lalo na ang mga senior citizens lang ang ‘vulnerable’ sa COVID-19.

Kaya hindi mo masisisi ang mga magulang kung ayaw nilang isugal ang kaligtasan ng kanilang mga anak lalo na ang mga nag-aaral sa mga public school na alam naman natin na sangkatutak ang dami ng mga estudyante.Kahit pa sabihin natin na mahigpit na ipapatupad ang social distancing sa mga eskuwelahan, mukhang hindi ito mangyayari dahil 50 ang bilang ng mga estudyante sa isang silid-aralan.

Kahit ba kalahati sa mga yan ang papapasukin, hindi pa rin mangyayari ang social distancing dahil hindi naman kalakihan ang mga silid-aralan sa public schools o kahit sa private schools.

Ano ang kasiguraduhan na mangyayari pa rin ang social distancing paglabas ng mga bata sa kanilang classroom? Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata at alam natin na pagkatapos ng klase ay kanya-kanya na tayong grupo at sabay-sabay na naglalaro sa school ground.

Hindi kayang bantayan ng teachers ang mga bata paglabas nila sa kanilang class rooms dahil marami din silang ginagawa at kulang ng tauhan ang mga eskuwelahan para ipatupad ang protocol sa paglaban sa COVID-19.

Naririnig ko nga sa usapan ng mga magulang na “hindi na baleng ma-late matapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak basta huwag lang mahawa sa virus na ito na nagsimula at hindi inagapan ng China kaya nagdudusa ngayon ang buong mundo.

Kahit ako, ayaw kong isugal ang kaligtasan ng anak ko. Eh ano ngayon kung ma-late siyang makatapos ng pag-aaral? Maraming successful na tao ang hindi nakatapos agad ng kanilang pag-aaral.

Lalo na ang mga anak ng mga mahihirap na pinagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho kaya imbes na apat o 5 taon lamang ang kanilang ginugol sa pag-aaral ay inabot sila ng 6 na taon pero successful sila.

Hindi naman makukuha sa pagtatapos sa oras ang pagiging matagumpay ng isang tao kaya pabor ako na ipagpaliban muna ang pasukan hangga’t walang bakuna sa COVID-19.
Maraming indikasyon na magkakaroon ng bakuna sa susunod na taon dahil naghahabulan ngayon ang iba’t ibang bansa sa pagtuklas ng gamot sa COVID-19 kaya may pag-asa.

Hindi rin kasi ubra, para sa aking pansariling pananaw, ang online classes dahil tiyak na madi-distract lang ang mga bata lalo na ang mga elementary students bukod sa hindi makakasabay sa sistemang yan ang mga mahihirap na estudyante na walang access sa internet kaya huwag na tayong sumugal!

66

Related posts

Leave a Comment