KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
ISANG pagyurak sa buong pwersa ng Philippine National Police ang ginawang pagbansag ni Lt. Col. Jovie Espenido sa organisasyon bilang “largest organized crime group in the country.”
Totoo. May mga abusado at utak-kriminal sa hanay ng PNP. Subalit ‘yung sabuyan ng putik ang buong organisasyon, isa itong malaking insulto sa bawat kasapi.
Malinis man ang intensyon ni Espenido sa kanyang ginawang pagbulgar ng mga katiwalian sa madugong gera laban sa ilegal na droga ng nakaraang administrasyon, nabahiran ito ng kanyang pagdura sa mukha at pangalan ng PNP.
Ang sabi nga sa akin ng isang bagong pasok na pulis: “Sa ginawang pahayag ni sir, para niyang sinabi na mali ang aking desisyon na maging pulis. Para niya akong sinampal.”
Naalala ko ang isang bahagi ng Pledge of Loyalty sa aking fraternity: “…as long as you are part of the institution, do not condemn it. If you do, the first high wind that comes along will blow you away, and probably you will never know why”.
##########
Amoy eleksyon na naman. Muli na namang nagpapaulan ang mga politiko ng mga pangakong glorya. May dalawa tayong puwedeng gawin – muling manood at lumahok sa sirkus ng mga payaso o wakasan ang ritwal ng lokohan at utuan.
Matuto na tayo sa karanasan sa bawat halalan na dinaanan natin. Maging matalino na tayo. Huwag magpauto sa sinomang kandidato lalo na sa Senado at Kongreso na dahil popular at sikat ay iboboto na.
24 ang mga senador ng bansa. Ang 12 upuan dito ay mababakante sa susunod na taon kaya muling pipili ng kapalit ang mamamayan sa darating na eleksyon sa Mayo 2025.
Pero por Diyos, por santo! May isa na sa pamilya ang nakaupo na sa Senado. Bakit parang kakandidato pang senador ang isa o dalawa pang kasapi ng kanyang pamilya? At sa mga botante naman – iboboto pa rin ninyo sila?
Pumili naman tayo ng ibang kandidato na taliwas ang laman ng isipan sa mga nakaupo ngayon sa Senado at Kongreso. Tama na ang mga ek-ek na panukalang batas. Mas progresibo ang inilalatag na solusyon sa mga problema ng bansa, mas mabuti para sa bayan.
Huwag na nating ipaubaya ang pagpapasya sa tutunguhing direksyon ng bansa sa mga politikong sila-sila na lang ang nagpapalitan sa upuan.
Dahil sa halip umunlad ang Pilipinas at maging matiwasay ang pamumuhay ng mga Pinoy ay lalo tayong nababahura sa kahirapan. Pero silang mga nasa mataas na pedestal ng lipunan, kabilang ang mga politiko, ay mas lalong nagpapasasa sa kanilang karangyaan.
##########
Kaya naman ang maraming politiko ay nagkakaroon ng mentalidad na espesyal silang mamamayan.
Isa na rito ang artistang si Congressman Richard Gomez ng Leyte. Nang makaranas ng trapiko sa EDSA ay nagpahayag sa social media na dapat nang buksan ang bus lane para magamit din ng mga pribadong motorista na kagaya niya.
Aagawan pa ng linya ang mga pampasaherong bus na naglalaman ng 50 hanggang 60 pasahero kumpara sa mga pribadong sasakyan na 2 hanggang 5 lang ang nakasakay.
Nang batikusin ng netizens ang kanyang pahayag, binura ang kanyang post, at tinawag na “ungas” ang news reporter na nagsulat ng balita.
Huwag na kayong boboto ng artista!
36