EO 62 NI BBM DAPAT NANG BAWIIN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

WALA nang dahilan para ipagpatuloy ang Executive Order (EO) 62 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil kung meron mang nakinabang dito ay ang rice importers hanggang sa retailers, at hindi ang mga magsasaka at consumers.

Dahil sa EO na ito, namakyaw ang rice importers ng bigas dahil sinasamantala nila ang pagkakataon na 15 percent na lamang ang taripa imbes na 35% na dati nilang binabayaran, bago inilabas ni Junior ang kautusang ito.

Ang laki ng natipid ng rice importers sa buwis pero hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa mga palengke at sari-sari store dahil sinasamantala raw ng lahat ng players ang pagkakataon para sila ay kumita nang husto.

Alam n’yo ba na meron daw anim na players sa rice industry. Una, ang importer ang bumibili ng bigas sa ibang bansa. Pangalawa, merong middleman na nagsasalya naman sa kanilang inangkat na bigas. Pangalawang player ‘yan.

Ang pangatlong player ay ang wholesaler na kumukuha ng supply sa pangalawang player at magkakaroon din ulit ng middleman, pang-apat na player na nagsu-supply naman sa ikalimang player o ang dealers na siyang nagtitinda sa mga palengke habang ang ika-anim na player ay ang sari-sari stores.

Hanggang P20 ang patong ng isang kilo ng bigas mula sa importer hanggang sa sari-sari stores kaya huwag na kayong magtaka kung hindi bumababa ang presyo ng bigas kahit bumaba na ang presyo nito sa world market at 15% na lamang ang binabayarang taripa sa imported rice.

Kapag local rice naman ang pag-uusapan, hanggang 8 ang players. Kinabibilangan ito ng bumibili ng palay nang direkta sa mga magsasaka at ‘yung nabili naman nila ay ibebenta naman sa malalaking rice traders na siyang nagbebenta naman sa millers na karamihan din ay rice importers.

Ang sabi sa pagdinig ng Kamara, hindi bumababa ang presyo ng bigas kahit mababa na ang taripa at bumaba na ang halaga nito sa world market, ay dahil pagkakataon daw ng small players na kumita nang husto dahil nakabibili sila ng murang bigas.

Yumaman ng P13 billion ang rice importers dahil sa bumaba ang kanilang taripa at malamang mas malaki pa dyan ang kanilang ikinayaman dahil mababa ng P11 ang bili nila ng imported sa bigas sa world market.

Ang halagang ito ang dapat napakinabangan ng lokal na mga magsasaka pero ang rice importers ang nagpakasasa at ‘yung kagahaman naman ng ibang rice players ang lalong nagpataas ng presyo nito kaya ang biktima ay ang consumers.

Kaya wala nang dahilan para ituloy pa ang diskwento sa taripang ito dahil ang rice traders lamang ang yumayaman at kailangan din sigurong tanggalin na ang mga opisyales ng gobyerno na nagbubulag-bulagan sa sitwasyong ito.

Alam nilang may cartel, alam nila na may price manipulation, alam nila na may hoarding pero wala silang ginagawa para buwagin ang mga ito para maproteksyunan ang mga magsasaka at consumers. Wala silang silbi kaya wala nang dahilan para manatili pa sila sa kanilang puwesto.

5

Related posts

Leave a Comment