ES RODRIGUEZ, PROAKTIBO SA MGA PROBLEMA NG BANSA

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

AGAD na inaksyunan ni Executive Secretary ­Victor Rodriguez ang isyu patungkol sa kakulangan ng suplay ng asukal.

Ayon kay Rodriguez, isa lamang artificial ang ­kakulangan ng suplay dahil sa nagaganap na hoarding ng ilang mga negosyante.

Noong nakaraang linggo, agad na inatasan ni ­Rodriguez ang Bureau of Customs na magsagawa ng isang raid sa Pampanga upang ­kumpirmahin ang balitang mayroon umanong mga warehouse ng asukal ang kasalukuyang nagsasagawa ng hoarding.

Matapos ang operasyon, narekober ang ilang tonelada ng mga asukal na imported mula Thailand, pati na ang mga sako ng imported flour, plastik, bariles ng petrolyo, mga parte ng ­motorsiklo, gulong, helmet, LED ­television, at mga pintura.

Dahil dito, binigyan ng pamahalaan ng 15 araw ang may-ari ng warehouse upang magpakita ng mga dokumento na magpapatunay na ang mga nakumpiskang produkto ay dumaan sa legal na proseso ng importasyon.

Samantala, napigil din ang pagpasok ng 7,000 metric tons ng smuggled na asukal sa Subic Port noong ­Huwebes. Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ginamitan ng ­”recycled” import permit ang mga ­shipment ng asukal mula Thailand.

Ayon kay Rodriguez, ang pagsasagawa ng raid at pagkukumpiska ng mga nakaimbak na mga produkto, partikular ang asukal, ay magsisilbing isang babala sa ilan pang mga negosyante upang itigil ang pagpapalaganap ng hoarding, pigilan ang pagtaas ng presyo ng naturang produkto sa merkado, at ipakitang seryoso ang pamahalaan sa pagtatama ng mga ­kamalian ng mga mapagsamantala.

Bilib ako sa ­pagiging ­maagap ni Rodriguez ­dahil agad niyang binigyan ng aksyon ang isa sa mga malaking problema ng ating bansa na maaaring maging isa sa ­dahilan sa pagtaas ng ­inflation rate.

Simula pa noong kampanya, nakita natin kung paano naging aktibo si Rodriguez sa kanyang trabaho bilang taga-depensa at tagapagsalita ng pangulo, na kanyang itinutuloy ngayong siya na ang ‘Little President’ ng Pilipinas. Isang panalo sa atin ang pagkakaroon ng mahuhusay na public servant na katulad ni Rodriguez dahil napatunayan niyang isa siyang handa at agad umaaksyon upang mabigyan ng mabilis na solusyon ang mga problema ng bansa.

Kung hindi sa kanyang pagiging proaktibo, marahil ay mas magiging laganap ang hoarding ng asukal sa ating bansa na magdudulot lamang ng patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal.

Mahirap na trabaho ang pagiging executive secretary dahil sa mga kapangyarihan ng kanyang trabaho bilang ‘Little President’, ngunit isang advantage para sa atin na magkaroon ng propesyunal na indibidwal, na maayos na nagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng agarang aksyon, at pagbibigay ng tamang disiplina para sa mga mapansamantala, tungo sa kaunlaran at kaayusan ng Pilipinas.

Isa si Atty. Rodriguez sa mga indibidwal na lubos nating kailangan dahil sa pagkakakilala niya sa pangulo na kanyang “advantage” sa pagganap ng kanyang tungkulin sa pamahalaan. Sa kanyang katapatan at pagkakakilala kay PBBM, siya ang magsisilbing epektibong boses hindi lamang ng ating pangulo, kundi ng buong Pilipinas.

Related posts

Leave a Comment