eSABONG IPAPALIT SA POGO?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY mga panukala na ipalit sa mawawalang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang online cockfighting o eSabong.

Ito ay para mabawi raw ang kita sa pag-ban sa POGO na inanunsyo ni Pangulong BBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Hulyo.

Ang panukalang pagpalit ng eSabong sa POGO ay mahigpit na tinutulan ni Sen. Joel Villanueva.

Ayon sa senador, nanalo nga tayo laban sa POGO tapos ngayon bubuhayin naman ang isa pang sugal, ang eSabong.

Sinabi pa niya na mas masahol pa ang eSabong kung ikukumpara sa POGO dahil direktang target nito ang ating mga kababayan.

“While we badly need revenues, the choice should not be between the devil and the deep blue sea. We want our revenues coming from legitimate, legal, and sustainable sources,” banggit pa ni Tukayo.

Kamakailan, naghain si Villanueva ng Senate Bill 1281 na nagbabawal sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa.

Ayon pa sa kanya, hindi naman napatunayan na naging solusyon ang POGO para mapataas ang kita ng gobyerno sapagkat maliit lang ang nakokolekta ng pamahalaan mula rito.

Hindi rin naman maayos na nakakokolekta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng 20-percent tax mula sa mga nanalo sa online sabong operators dahil nagsimula ang virtual cockfighting noong 2020.

Inamin ng PAGCOR sa pagdinig sa Senado, na nagpapatuloy ang eSabong kahit ban na ito at katunayan nasa 789 eSabong ang nag-ooperate sa bansa.

Kung ganoon din lang naman pala na hindi makontrol ng gobyerno ang operasyon ng eSabong at hanggang ngayon ay nagpapatuloy, paano ito makokolektahan ng buwis?

Hindi rin tayo makatitiyak na sila (eSabong operators) ay papasok sa legal na operasyon para mapagkunan sila ng buwis para sa kapakinabangan ng pamahalaan.

Hindi rin tayo makatitiyak na kapag naging batas ang Senate Bill 1281 ni Tukayo, ay mawawala ang ilegal na operasyon ng eSabong.

Alam naman natin na ang mga Pilipino ay gagawa at gagawa ng paraan para sila ay makalusot.

Ngayon pa nga lang ay may problema na ang BIR at PAGCOR sa pagkolekya ng 20-percent tax mula sa mga nanalo sa online sabong operators.

Pagdating sa usapin ng online, wala tayong masyadong maaasahan sa pamahalaan, maraming nangyayaring kalokohan sa online transaction na hanggang ngayon ay hindi nareresolba ng gobyerno.

Napakaraming scam sa online tulad ng mga pa-raffle sa mga sasakyan, house and lot at iba pa na hindi nasosolusyunan ng ating mga awtoridad.

Ika nga ng iba, ang mga Pilipino ay maparaan masama man o hindi, basta pagkakakitaan ay gagawa at gagawa ang lahi natin. Matalinong desisyon ang dapat gawin ng ating gobyerno para sa kapakinabangan ng nakararaming Pinoy.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

50

Related posts

Leave a Comment