ESTUDYANTE, GURO MAGDURUSA SA KLASE TUWING SUMMER

BALYADOR ni RONALD BULA

NAG-ALALA si House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers Party-list Representative France Castro sa panganib na idudulot sa mga estudyante at guro kapag hindi ibinalik sa Abril hanggang Mayo ang summer vacation.

Tinukoy ni Castro na base sa online survey na isinagawa ng ACT na nilahukan ng 11,706 pampublikong guro sa buong bansa, 87% sa mga ito ang nagsabing hindi sila makatutok nang mabuti sa pagtuturo dahil sa sobrang init ng panahon.

Binanggit ni Castro na 37% naman ang nagsabi na ang summer heat ay nagdudulot sa kanila at sa mga estudyante ng kung anu-anong sakit kaya marami ang palaging absent sa klase.

Sabi pa ni Castro, batay sa survey ay hindi kaya ng mga estudyante at guro ang init o malapugon na mga silid-aralan sa pampublikong mga paaralan na umaasa lang sa mga electric fan.

Inihalimbawa pa ni Castro ang nahimatay na mga bata sa isang public school sa Laguna dahil sa hindi nakayanang init sa panahong ito.

Iginiit din ni Castro na ang mga paaralan sa bansa ay walang sapat na health facilities at personnel para agad matugunan ang anomang problema sa kalusugan na idudulot ng tag-init.

Samantala, aminado naman ang Department of Education (DepEd) na kailangan ng “slow-transition” para maibalik sa pre-pandemic ang school calendar.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, marami silang kailangang ikonsidera kung ibabalik tuwing Hunyo ang pagsisimula ng klase at tuwing Abril o Mayo ang bakasyon.

Aniya, kailangan nilang ikonsidera ang mga lugar na maaapektuhan nito gayundin ang bilang ng mga araw na may pasok.

Giit ni Poa, hindi kasi masusunod ang 203 school days kung biglang magpapatupad ng summer break.

Nauna nang nagsagawa ng survey ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) kung saan lumabas na 87 porsyento ng mga guro ang nagsabing hindi maka-focus sa klase ang mga mag-aaral dahil sa sobrang init.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

529

Related posts

Leave a Comment