EXODUS

NOONG isang gabi narinig ko ang kanta ni Gloc 9 na “wala nang natira” sa kapitbahay. Tungkol ito sa mga nag-aabroad na mga Filipino mula sa Nurses, Doctor, Engineer, guro hanggang sa karpintero at kasambahay.

Dati, marami raw tayong supply ng mga ito pero ngayon ay wala ng natira dahil nag-aabroad sila kung saan naniniwala silang naroon ang kanilang kinabukasan pati na ang kanilang pamilya.

Hindi lang naman dito sa Pilipinas ito nangyayari dahil kahit ang China, nag-aabroad ang kanilang mamamayan kaya sila ang tumatanggap ng pinakamalaking remittances ng dolyar mula sa kanilang mamamayan na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kahit ang India na tulad ng China ay mahigit isang bilyon ang populasyon ang isa sa pinakamalaking supplier ng mga human resources at sigurado pagkatapos ng pandemyang ito, lalong dadami ang mga tao na maghahanap ng oportunidad sa labas ng kanilang bansa.

Matindi ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng mga bansa kasama na ang Pilipinas na isa raw sa pinakamalala sa Southeast Asia.

Halos 4 na milyong Filipino ang nawalan ng trabaho. Kung isasama mo pa dyan ang mga walang trabaho bago nagkaroon ng pandemya malamang ay aabot ng 6 hanggang 7 milyon (rough estimate).

Walang nakakaalam kung kailan babalik sa trabaho ang mga nawalan ng trabaho at makakahanap ba ng trabaho yung mga walang trabaho bago sumabog ang pandemya na itinago ng China kaya lumala ang problema.

Dahil dyan, asahan na natin na pagkatapos ng pandemyang ito, magkakaroon na naman ng exodus. Mag-aalisan ang mga skilled workers at professionals natin patungong ibang bansa.

Ngayon nga na hindi pa bukas talaga ang pag-aabroad dahil malala pa rin ang pandemya sa iba’t ibang panig ng mundo ay marami na ang nag-iinquire gamit ang internet para mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.

Hindi natin sila masisisi dahil kung mananatili nga naman sila sa ating bansa ay magugutom sila at ang kanilang pamilya. Hindi nila maibibigay ang magandang buhay sa kanilang mga anak.

Kailangan nilang umalis dahil sa ibang bansa lang ang pag-asa nila dahil walang oportunidad sa ating bansa dahil kung hindi ay mamamatay silang dilat ang mata kasama ang kanilang pamilya.

Sa totoo lang, ayaw ng karamihan sa ating mga kababayang nag-aabroad ang umalis at mawalay sa kanilang pamilya pero sumusugal sila, isinasakripisyo ang sarili para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Walang sinuman ang gustong mawalay ng ilang taon sa pamilya pero anong magagawa nila eh wala silang mapasukang matinong trabaho at maayos na suweldo sa sariling bayan.

Marami na tayong narinig sa mga pulitiko kapag panahon ng kampanya naawa sila sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil naghihirap sila sa ibang bansa para makapagpadala ng dolyares sa kanilang pamilya sa ibang bansa pero wala naman silang ginagawa para dito na lang sa Pinas magtrabaho ang mga ito.

Ang sagot na lang nila ay ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos para sa mga makabagong bayani na nagpapatatag sa dollar reserved ng Pilipinas at isa sa pangunahing sinasandalan ng ekonomiya ng bansa.

35

Related posts

Leave a Comment