EXPIRED NA COVID-19 VACCINES, SINOVAC BA?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) sa kanilang budget hearing sa Kongreso, na mahigit 20 million doses ng COVID-19 vaccines ang nag-expire na lamang. Sayang naman!

Pero hindi inaamin ng DOH kung anong brand ng bakuna ang nag-expire gayong tuloy-tuloy naman ang kanilang pagbabakuna, hindi nga lang agresibo pero kahit papaano ay marami pa rin ang nagpapabakuna.

Dahil hindi nila sinasabi kung anong brand, marami tuloy ang naniniwala na mga gawang China na Sinovac ang nasayang na mga bakuna dahil inaayawan ito ng mga Pilipino.

Kung matatandaan niyo, matumal ang nagpapabakuna noong ilunsad ang vaccination program dahil ang unang idineploy na brand ay Sinovac pero noong magkaroon ng ibang brand na gawa sa ibang bansa ay dumami ang nagpabakuna.

Namakyaw kasi ang ­dating administrasyon ng Sinovac sa China noong kasagsagan ng ­pandemya para iturok sa mga Pilipino dahil kaibigan daw sila ng nakaraang Pangulo pero ­dahil may reputasyon ang Chinese brands na hindi maganda, ­inayawan ng mga tao ang Sinovac.

Ang inisyal na doses na binili ng nakaraang administrasyon sa China ay 25 million at parang ­nadagdagan pa at kinuwestyon pa nga noon sa Senado ang presyo dahil mukhang mas mahal nating binili kumpara sa ibang bansa tulad ng Thailand na murang-mura lang nila nabili ang parehong brand ng bakunang ito.

Kahit anong pilit noon ng gobyerno na magpabakuna ang mga tao, walang nakikinig dahil alam nilang Sinovac ang ituturok sa kanila pero noong ­dumating ang mga Western brand na ­donasyon ng World Health ­Organization (WHO), biglang dumami ang nagpabakuna.

Hindi ba’t may mga report noon sa mga vaccination site na umaatras ang mga tao kapag ­Sinovac ang ibabakuna sa kanila, dahil dito, gumawa ng paraan ang mga local government unit… hindi ina-announce kung anong brand ang ibabakuna nila?

May plano rin noon ang ­gobyerno na i-donate na lang sa ibang bansa ang mga bakuna para hindi mag-expire. Mukhang hindi natuloy dahil baka inayawan din ng mga bansa na target nilang pagbigyan.

Kaya ayun, tuluyang nag-expire ang bakuna na maraming naniniwala na Sinovac pero hindi inaamin ng DOH at mga dating opisyales ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil baka ­mainsulto nga naman ang China na ang produkto nila ay inaayawan sa Pilipinas. O baka kasama sa confidential agreement na huwag aminin kung anong brand ang mag-e-expire dahil inaayawan ng mga tao.

Hindi rin inaamin ng IATF kung magkano ang bili nila ng ­bakunang nag-expire at ­nasayang lamang gayong ­inutang ang ipinambili sa mga ito kaya baon na baon tayo ngayon sa utang.

Ipagpalagay natin na P750 binili ang bawat doses ng ­bakunang ito, tumataginting na P15 bilyon ‘yan. Sayang ang pera at ang masakit niyan, babayaran natin ‘yan sa pamamagitan ng pagtataas ng buwis.

Magkano ba ang iniwang utang ng Duterte administration sa mga Pilipino, mahigit P12 ­trilyon ba? Mahigit dalawang beses na mas malaki kumpara sa taunang budget ng Pilipinas!

Related posts

Leave a Comment