FAKE NEWS AT EKONOMIYA

Maging Wais Ka-2

(Unang Bahagi)

Nitong nakaraan, inilabas ng Philippine Institute of Development Studies ang isang pag-aaral na pinangunahan ng isang sikat na ekonomista na si Roehlano M. Briones tungkol sa mga implikasyon ng globalisasyon sa Pilipinas.

Ibang klase ng globalisasyon ang tinutukoy rito dahil ibang klase na rin ang teknolohiya at ang impluwensiya nito sa ating araw-araw na pamumuhay, ekonomiya at lipunan.

Hindi natin maikakaila na malaking parte ng buhay natin ang teknolohiya sa komunikasyon, sa transportasyon, sa ating kalusugan, maging pag-order ng pagkain, mga mahahalagang dokumento, serbisyo at kung anu-ano pa.

Bihira ang taong walang Facebook. Sabi ni Mark Zuckerberg, isa sa layunin bakit nabuo ang Facebook ay para pagbuklurin ang mga komunidad. Ngunit ito na rin mismo ang dahilan bakit tayo watak-watak. Naging mekanismo na ang teknolohiya sa panloloko ng kapwa, pagtatalo ng ideolohiya at pagkakaroon ng iba’t ibang grupo. Ayon sa mga pag-aaral nasa panahon na tayo na may tinatawag na information warfare.

Talamak talaga ang fake news at hindi lahat ng trending ay totoo. Hindi rin lang araw-araw na pamumuhay natin ang naaapektuhan nito, kundi ang ating ekonomiya.

Naapektuhan ng fake news o misinformation ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng ating pagi-ging watak-watak. Mahalaga ang pagkakabuklud-buklod para sa ekonomiya.

Gaya na lamang ng nangyari sa Dengvaxia na biglang marami sa atin ang hindi naniwala sa payo ng doktor at mga advisory ng Department of Health. Ang naging resulta nito ay outbreak ng measles, dengue at ngayon ay pagbabalik ng polio. Dahil dito, tataas ang ating healthcare costs dahil sa naging bunga ng misinformation. Nalaman rin ng pag-aaral na kung noon ay mas naniniwala tayo sa mga pahayag ng awtoridad o mga institusyon, mas naniniwala na raw tayo ngayon sa ating employer kaysa sa mga non-government organization, business institution, gobyerno at media.

Ibig sabihin, dapat maging mapanuri tayo, lalo na ang mga boss o manager sa trabaho sa mga impormasyon ating ibinabahagi. Kung ganoon, malaki rin ang gagampanan ng mga employers sa pagtatama ng mga misinformation sa kanilang mga empleyado. Kaya mahalaga na tamang impormasyon rin ang natatanggap nila. Malaki ang gagampanan ng mga employers sa media literacy lalo’t sila rin ay may malaking bahagi sa ekonomiya. Kailangan rin siguro, unang ligawan ng mga institusyon ang employers upang makatulong sila sa malawakang pagpapalaganap ng mga impormasyong makakatulong sa paglago ng ekonomiya. Talaga namang malaki ang potensyal ng isang bansa kung magkasangga ang private sector at gobyerno.

Malaki ang ilalago ng ating ekonomiya sa globalisasyon kung tayo ay pinagbubuklod ng tamang impormasyon at tamang paggamit ng teknolohiya.

Para sa komento, at suhestiyon mag email sa Ilagan_ramon@yahoo.com or magmensahe sa FB: Mon Ilagan Account Two. (Maging waIs Ka! / Mon A. Ilagan, MPM)

316

Related posts

Leave a Comment