BISTADOR ni RUDY SIM
HINDI lamang ang kontrobersyal na buhay ng Guo sisters ang dapat tutukan ng gobyerno dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa POGO na ngayon ay kasalukuyang hinahabol ng administrasyon.
Isang sumbong ang nakarating sa atin na ilang travel agencies na pagmamay-ari ng Chinese, ang nag-aalok sa kanilang mga kababayan ng visa mula sa embahada ng Pinas ngunit ang mga ito umano ay fake?
Isa umanong may alias na “Tony” na nagpapatakbo umano ng Whale Shark Travel Media na naka base sa China, ang responsable at nambibiktima ng kapwa nitong Chinese na nagbabayad ng malaking halaga upang makapasok lamang sa bansa. Kagaya ng lumang kalakaran sa airport ay kailangang nakatimbre ito bago lumapag ang eroplano upang hindi maharang o ma-exclude passenger.
Pero kadalasan naman sa airport, lalo’t kung hindi pa nakaka-boundary ang mga hinayupak na opisyales ng Bureau of Immigration na itinalaga sa NAIA para sana magbantay, ay nagiging bantay-salakay na sinasamantala ang kanilang weather upang magpayaman.
Dito masusubukan ang tatag ng taong pinagkatiwalaan ni DOJ Secretary Boying Remulla na si BI Commissioner Joel Viado kung paano nito mapatatakbo ang ahensya nang walang garapalang bahid ng korupsyon. Hindi po natin sinasabing walang mangyayari na katiwalian sa ahensya dahil sa tatlong dekada ko na sa BI bilang isang member ng media, ay wala akong nakita ditong opisyal na hindi naging instant millionaire, daig pa ang tumama sa 6/58 Lotto.
Kung talagang seryoso ang pamahalaan ay bakit hindi kalkalin ng BI kung sinong mga opisyales ang kumita sa Visa Upon Arrival noon ng dating administrasyon kung kaya’t lumubo ang bilang ng mga Chinese na hanggang sa ngayon na kahit binigyan sila ng pamahalaan ng hanggang October para lumayas sa bansa, ay iginigisa pa rin sa kanilang sariling mantika kumbaga ay sumuka na sila noon ng malaking halaga para sa kanilang visa.
Bakit hindi silipin ang lifestyle ng mga nagdaang humawak ng visa upon arrival? Kagaya na lamang nitong isang Atty. Casibang na dapat sana ay kasamang nakasuhan noon sa Pastillas scandal. Mabuti nga at hindi ito napiling maging hepe ng Board of Special Inquiry noong nagretiro itong dating opisyal na si Atty. Ledesma na mayroong kulay pink na comfort room… oh ‘di ba, ang taray ng lola mo!
Samantala, tila hinahamon nitong matibay ang kapalmuks na warden ng BI detention center sa Bicutan na si Leander Catalo, si SOJ Remulla kung ito ba ay mananatili pa rin bilang warden ng BI na kahit ilang beses nang natakasan ang piitan ay hindi pa rin nasisibak!
Ang lantarang “ice room” na pinarerenta sa VIP inmates ay bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy? Mula sa P15K kada linggo na binabayaran umano sa Gcash sa tiwaling opisyales ng BI warden facility, ay hindi mapahinto. Sino sa BI main office ang nakikinabang? Commissioner Viado Sir, pakitingnan mo nga ang tungkol dito.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
91