FDA DG ZACATE GINISA SA SENADO SA KORAPSYON

PUNA Ni JOEL AMONGO

GINISA ng mga senador ang bagong talagang Food and Drug Administration (FDA) Director General Dr. Samuel Zacate sa isinagawang budget hearing kamakailan.

Ayon kay Senator Raffy Tulfo, inamin sa kanya ng dating director general ng FDA na P5-M hanggang P20-M ang hinihingi ng FDA para sa pag-apruba ng produkto na inirerehistro sa nasabing tanggapan.

Kaya hinamon ni Sen. Tulfo si DG Zacate na kailangang magsumite sila ng Statement of Asset and Liabilities and Networth (SALN).

Hindi lang siya kundi mula sa pinakamababang empleyado (security guard) ang dapat magsumite ng kanilang SALN para ma-monitor ang kanilang mga yaman.

Matagal nang namo-monitor ni Sen. Tulfo ang matinding korapsyon sa FDA na maraming beses niya nang sinabi sa DG nito subalit wala silang ginagawang aksyon.

Kaya nitong administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos kasabay ng kanyang pagkapanalo bilang senador, ay hindi niya pinalagpas ang bagong FDA Director General na si Dr. Samuel Zacate.

Maging ang PUNA ay ilang beses na ring nakatanggap ng reklamo hinggil sa pera-perang kalakaran sa pagrehistro ng mga produkto sa FDA.

Sinabi naman ni Senate President Migz Zubiri na ang gawaing ito ay paglabag sa Ease Doing Business Law.

Matatandaang sa pag-upo ni PBBM ay itinalaga niya si Dr. Samuel Zacate bilang bagong Director General ng FDA.

Si Zacate ay kilala bilang public health advocate na may karanasan sa medicine and medical consultancy sa government units at offices, kasama na ang Public Attorney’s Office, Presidential Security Group Hospital (2009-2022) at iba pa.

Bago pa i-appoint ni PBBM si Zacate sa FDA ay isang siyang diplomate ng Philippine Society for Venereology at isang fellow ng International College of Surgeons.

Si Zacate ang pumalit kay FDA officer-in-charge, Dr. Oscar Gutierrez na pumalit naman sa nag-resign na si Dr. Eric Domingo noong Enero.

Sana nga matuldukan na ang korapsyon sa FDA dahil sila mismo ang pumapatay sa mga bagong produktong sariling gawa natin.

Paanong makapagrerehistro ang mga kababayan natin kung P5-M hanggang P20-M bawat produkto ang hihingiin sa kanila ng FDA? Sa una pa lang ay pinapatay na nila sa laki ng kanilang hinihinging pera.

Lumalabas ngayon sa nangyaring pagdinig ng Senado na ang FDA ay para lang sa mga multinational company na kayang magbayad ng P5-M hanggang P20-M para sa approval ng bawat produkto?

Ganoon na ba kalala ang korapsyon sa mga opisina ng gobyerno?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

56

Related posts

Leave a Comment