Animo hindi binigyan ng importansya at halaga ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Korte Suprema ang subject na Filipino at Philippine Literature sa kolehiyo na kanilang parehong ibinasura.
Ano ang wisdom sa likod ng ginawang pagbasura sa Filipino at Philippine Literature mula sa curriculum sa kolehiyo? Para mabawasan ba ang oras na ilalagi ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mas mababang tuition dahil kumakain din ito ng nine units sa kolehiyo?
Kung hindi ‘yun ang dahilan sa likod nito e lubhang mahiwaga ang talinong ginamit ng CHED at Korte Suprema sa naging desisyon nila.
O kaya naman, may mas prayoridad bang mga college units na ipapalit sa mga ito, katulad halimbawa ng space race tech studies o industrial robotics?
Kung hindi rin ito ang dahilan sa likod ng pagbasura ng mga ito sa Filipino at Philippine Literature ay lubhang mahiwaga ang talinong ginamit ng mga ito.
Mapapansin na ang pinaka-successful na mga bansa sa buong daigdig ay sariling wika nila ang gamit sa kani-kanilang education instruction. Ang mga Hapon ay sarili nilang wika ang gamit, ang mga Intsik ay gayun din, ang mga Ruso ay ganun din, ang mga Koreano ay ganun din, at halos ganyan ang trend sa buong daigdig, maliban sa Estados Unidos at United Kingdom na talaga namang Ingles ang kanilang native language.
Tayo na nagdarahop na bansa ay mas piniling kitlin ang sariling lengguwahe at ang pag-aaral sa sariling literatura sa kolehiyo.
Kung nais lamang naman talagang paigsiin ang ginugugol na oras ng mga estudyante sa kolehiyo ay mas maiging ibasura ang dagdag na dalawang taon sa basic education dahil imbes na 12 taon ang inilalagi ng mga ito sa elementarya at high school ay nagiging 14 taon. Bilangin nga ninyo ang Kinder 1 at Kinder 2, e ‘di maliwanag 14 years na! Sobra tayo ng dalawang taon!
Naturingang katatalino ng mga PhD na mga ito ngunit nanatiling nahihiwagaan ako sa ginamit nilang talino sa pagbasura sa Filipino at Philippine Literature sa kolehiyo. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
121