FISHING TYCOON KAPALIT NI BBM SA DA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

UNANG misyon ni Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong hepe ng Department of Agriculture (DA) ay makontrol ang tumataas na presyong pang-agrikultura.

Ayan, mahirap na utos mula sa pangulo at dating DA chief na dapat ay maisakatuparan ng bagong hepe.

Ang hindi kinaya sa loob ng mahigit isang taong pagrenda sa DA ay ipinasa sa isang tao na ang bitbit lang daw na katangian ay naging campaign donor ni BBM noong eleksyon.

Ang daming tagubilin na parang ipinangangalandakan na da best si Laurel para sa posisyon.

Eto pa, inatasan din ni Marcos si Laurel na pangasiwaan ang pagpapagaan ng climate change, at harapin ang swine flu at avian flu sa bansa.

Tingnan din daw ni Laurel ang ginagawa ng Thailand, Vietnam, at Indonesia na maaaring gawin sa Pilipinas.

Ika nga, mistulang tall order ang mga ipinasang trabaho ni BBM sa bagong hepe ng DA.

Natural, bow lang nang bow si Laurel, na modernisasyon ng agrikultura ang prayoridad.

Pangunahing adhikain daw niya ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguruhing ito ay makararating sa hapag ng bawat Pilipino. Layunin niya na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ng ating mga kababayan sa tamang halaga. Susi dito ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura.

Magandang basahin at pakinggan, ngunit tila mahirap tanggapin na may patutunguhan.

Teka, ano ba ‘tong sinasabi ng isang mambabatas na maaaring gamiting pundasyon ng bagong talagang si Agriculture Secretary ang mga nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sektor ng agrikultura.

Kaya nga ipinasa na sa iba ang pagrenda sa DA dahil hindi mapatatag ang presyo ng mga bilihin at mapalaki ang produksyon ng mga ani, tapos may pundasyon pang ipinagmamalaki.

Hayaan n’yo munang magpakitang gilas ng bagong hepe.

Kung da best siya at ang interest ng publiko ang talagang misyon ay ayos lang.

Huwag lang gawing tau-tauhan, na ‘di naman siguro mangyayari dahil sa laki ba naman ng donasyon.

BALIK SA REALIDAD NG BUHAY

Tapos na ang bakasyon. Lipas na ang holiday. Ang kasiyahan, relaxation at katuwaan ay ilang araw ding sinamantala.

Panandalian pero may hindi matatapatang kaligayahan.

Balik sa takbo ng reyalidad ng buhay. Kayod, budget ng kikitain. Mapapangiwi pa rin sa taas ng presyo ng bilihin.

Marami pa rin ang mahirap, ayon na rin sa kanila.

Halos kalahating porsyento o nasa 13.2 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabi na sila ay mahirap.

Base ito sa survey ng SWS na isinagawa noong Setyembre kung saan umakyat sa 48% ng pamilya ang mahirap, mas mataas sa 45% na naitala noong Hunyo.

Anong hakbang ang gagawin ng gobyerno?

Magiging giya ba ang survey upang tapikin at pakilusin ni President Marcos Jr. ang kanyang gabinete para mabigyan ng pansin ang lantad na kahirapan.

Huwag naman sanang iasa na lang sa food stamp program ang tugon.

Hindi nga ramdam ang food stamp. Wala ring diwa ang Kadiwa. Pasakit din ata malasakit center.

Ang daming programa na susulpot lang kapag napukpok na ang ulo.

Ngayong tapos na ang Undas, bubuwelo na ang tao sa pabonggahan ng dekorasyon para sa Pasko.

Dito, parang tabon ang kahirapan. Tinatakpan ang kakulangan, inaaliw ng iba ang sarili ng kahit pabalat na ningning ng saya.

Dahil Pasko, meaning litaw ang pera. Parang eleksyon. Ngunit iba ang pasko sa eleksyon. Ang datung sa eleksyon ay sumasayad lang habang wala pang tinta ang inyong daliri, meaning habang ‘di pa nakaboboto.

Ang salapi sa Pasko ay grasya na puwedeng dumating nang hindi inaasahan. Surprise ika nga. Gift kasi ang tawag sa nakukuha.

Pasko na naman. Kay tulin nga ng araw. Pero ang gobyerno, ang bagal kumilos kaya maraming problema ang hindi pa rin matugunan.

269

Related posts

Leave a Comment