FOOD STAMP PROGRAM MISTULANG PAG-AMIN NI BBM SA MATAGALANG GUTOM

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SOBRA pa sa pagmamalaki. Ginawa ngang flagship program. Ang ayuda ngayon ay pangunahing programa na ng Marcos administration.

Hanggang dito lang ata ang pananaw nila sa tunay na solusyon sa kahirapan at kagutuman, idineklara ng gobyerno ang ‘Walang Gutom 2027: Food Stamp Program’ bilang pangunahing programa ng Marcos administration.

Sa inilabas na Executive Order no. 44, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magpapatupad at mangangasiwa sa food stamp program sa tulong ng ibang mga ahensya ng gobyerno para sa mabisa at mabilis na distribusyon ng food stamp sa mga benepisyaryo.

Parang inamin na rin ng gobyerno na marami ang nagugutom at hanggang 2027 ang tantiya nilang gutom-free na ang mga Pilipino.

Ibig ding sabihin, bigo ang gobyerno sa pagtugon sa kakulangan ng pagkain at mahal na bilihin.

Ang Food Stamp program ay ayuda sa gutom na mamamayan.

Ayon nga sa IBON Foundation, nasa 50.9 milyong Pilipino ang kinukulang sa pagkain, na naglagay sa Pilipinas bilang nangungunang bansa sa Timog-Asya na kinakapos sa pagkain.

Ang food stamp ni Marcos Jr. ay nagpaparamdam na mawawala na ang gutom sa Pilipinas?

Ngunit, ang kailangan ay ang plano, hakbang at aksyon na tutugon sa problema ng kakulangan ng pagkain.

Kung bibigyan ang mga benepisyaryo ng ilalaman sa kanilang tiyan sa depinidong panahon, eh paano nila mapupunuan ang tiyan kapag itsapuwera na sila sa programa?

Hindi sagot ang tututukan ang food stamp program sa estado ng buhay ng tao.

Dapat ding tutukan ng Pangulo ang pagkadismaya at pangamba ng mga tao sa presyo ng mga bilihin.

Ang siste, umaasa rin ang Pangulo sa mga bulong ata ng kanyang mga hinirang sa mga posisyon, o kung magbigay man ng suhestiyon, payo at panukala ang mga ito ay ang boss pa rin ang masusunod kung anong gusto.

Sabagay, pwede na raw ang ayuda. Baka ito na ang Tallano gold na naging food stamp.

144

Related posts

Leave a Comment