FREE LEGAL ASSISTANCE KAY TITSER AT LUXURY CRUISE SHIPS SA ‘PINAS

TARGET NI KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na mayroon talagang mga propesyon na maituturing na hindi lang basta hanapbuhay.

Ito’y isang bokasyon lalo na kung halos araw-araw ay kakikitaan ito ng hindi matatawarang pagkalinga sa kapakanan ng iba. Ganyan ang mga guro natin sa buong kapuluan. Lumalaki nga lang ang problema ng mga titser.

Karamihan daw kasi sa kanila ay lunod sa utang.

Ang magandang balita, aba’y kumakausap na raw ang Department of Education (DepEd) ng grupo ng mga abogado na makatutulong sa mga guro ukol sa loan obligations o pagkakautang nila.

Sa pangunguna ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, itinutulak ng DepEd na mapagkalooban ng libreng legal assistance ang mga guro.

Dapat daw may gabay ng isang abogado bago lumagda sa kontrata para makautang dahil mahalagang maunawaan nila ang nilalaman ng pipirmahang dokumento.

Sa ganitong paraan, maipapaliwanag din nang malinaw ng mga maalam sa batas ang mga nakapaloob dito sakaling maging “in default” sa pagbabayad ng loan obligations.

Saludo po tayo kay VP Sara sa mga ginagawa nilang ito. Nawa’y maisakatuparan sa buong bansa ang libreng konsultasyon.

Samantala, may mga dumaong palang luxury cruise ships sa bansa.

Para sa Department of Tourism (DoT), aba’y makabubuti ito sa turismo. Sunod-sunod kasi ang pagdating ng mga cruise ship.

Ayon kay DOT Sec. Christina Frasco, patunay ito na lalo pang lumalakas ang turismo sa bansa.

Kung matatandaan nga naman, dumating sa pantalan ng Romblon ang MB Silver Shadow noong Pebrero 10. Sinasabing ito ang kauna-unahang bisita sa lugar makaraan ang halos tatlong taong paghihigpit dulot ng COVID-19 pandemic.

Kung hindi ako nagkakamali, sakay ng cruise ship ang nasa 228 na mga turista mula sa Europa at Estados Unidos na bago dumating sa Romblon ay dumaan muna ng Papua New Guinea.

Tuwang-tuwa ang mga turista dahil sa mainit at pinakamahusay na pagtanggap na kanilang naranasan sa kanilang pagbisita sa ating bansa.

Ang isa pang cruise ship na MP Seaborn ay dumaong naman sa Puerto Princesa City noong Pebrero na may lulang 512 turista at 482 tripulante.

Good job po sa DOT at kay Sec. Frasco sa pagpupursige upang mas mapalakas pa ang kampanya ng bansa sa turismo.

Mabuhay po kayo at God bless!

119

Related posts

Leave a Comment