FREE TRIP TO JAPAN AT GERMANY SA KAPALPAKAN NI KUME?

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS nating ibunyag nang buo at walang bahid na pagkukunwari sa madla ang ginawang pagtatago ng Bureau of Immigration tungkol sa isyu ng 41 foreigners na nasakote ng Philippine Anti-Organized Crime and Corruption (PAOCC) sa isang POGO hub sa bayan ng Bagac, Bataan, ay agad na nagbigay ng kanyang praise release si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa legalidad ng kanyang desisyon na ipa-under recognizance sa kanilang legal counsel na si Atty. Dela Cruz at ni Bataan Representative Albert Garcia, ang 41 dayuhan na sangkot sa insidente.

Sinabi ni Vayad-o este Viado na wala raw mali sa kanyang ginawa dahil kasalukuyan ngayong dumaraan sa deportation proceedings ang hinuling mga banyaga at anomang oras ay naniniwala siya na tutugon sa reportorial requirements ang mga ito. Maaaring totoo ang sinabi ni Viado na nahaharap na sa kasong undesirability ang 41 banyaga ngunit hindi naman ito ang isyu, your honor. Ang tanong ng sambayanan, “Bakit n’yo pinayagan na hindi magbayad ng piyansa ang mga ito at palabasin na wala silang kapasidad na magbayad? Ano ngayon ang masasabi mo sa P112.3 milyon na nahalukay ng PAOCC sa vault ng kanilang kompanya? Kaya nga nagkakandautal ka sa pagsagot sa huli ninyong hearing sa komite ni Senador Risa Hontiveros, dahil obvious na hindi mo alam ang iyong trabaho. By the way, tinupad mo na ba ang kautusan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na i-deport ang mga ito? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kanselado ang recognizance nila upang maipakita sa Palasyo na tumupad ka sa ipinag-uutos?

Sa patuloy na Senate hearing ay naumay ang mga tao sa kapakikinig ng paulit-ulit na litanya mong “We will get into the bottom of this, Madam Senator” sa final hearing ni Senador Risa. Malinaw na kundi pa ibubulong ng mga bubuyog mo sa likod ay nagkakandautal ka sa pagsagot.

Sa totoo lang, sa 3 buwan na tumakbo ang hearing mula pa kay nasirang Tan5 ay wala naman kayong napatunayan tungkol sa pagtakas ni Alice Gou. Kung alam lang sana ng senadora na wala naman talagang imbestigayon na ginagawa ang ahensya tungkol diyan. Hahaha!

Bagama’t todo dedikasyon ang senadora sa ginagawa niyang hearing, nakapanlulumo lang na wala man lang ni isang senador ang sumuporta sa kanya. Isang dokumento rin ang ipinakita sa nasabing pandinig na pirmado ng isang kilalang abogada riyan sa BI Legal Division at ni BI Legal Chief Arvin Santos, ang isang order kung saan tinalakay ang aprubadong 9g visa ni Xie Zhijiang na kinasangkapan diumano ni Ma Dong Li na siyang pasimuno ng POGO sa Pilipinas. Naungkat ang kwestyonableng ilang beses na pagkakaroon ng working visa ng dalawang Tsekwa. Sinasabing espiya raw ng bansang Tsina sa Pilipinas ang mga ito ngunit gaya ng ating nabanggit, halatang hindi sakop ng powers ni Viado ang totoong istorya dahil tama nga naman siya at nangyari ang insidente taong 2016 pa.

Well, ang tanong ng sambayanan, “Ilang ulit kang sumang-ayon, Kume, na kailangan ng due diligence sa lahat ng transaksyon sa Bureau upang maging maayos ang bawat trabaho. Eh, ikaw kaya, nag-due diligence ka ba sa mga bagong in-appoint mo sa BI?” Eh ‘yan lang bagong itinalaga mo sa Agenda and Records Monitoring Unit (ARMU) ang siya ring may akda ng approved 9g visa ni Xie Zhijiang. Ayaw ni Madam Risa ng ganyan. Ahahay!

Maliwanag na sablay, ‘di ba gah? Obviously, you’re not doing your homework, Sir! Gaya rin ‘yan ng tanong ng senadora kung bakit nawawala ang deportation records ng 154 Chinese nationals ng kumpanyang Chonghua. ‘Bat ‘di mo itanong kung bakit nawala ang records niyan, sa mga kasama mo ngayon sa OCOM, aber?

Sabagay marami na nga ang nalulungkot sa BI ngayon dahil kung hindi ka miyembro ng isang kapatiran ay siguradong ‘di ka kasama sa equation. Tama ba, Kume?

Samantala, nagsimula na raw magpaalam at mag-alsa balutan si Bicutan Warden Di-katalo kaya kanya-kanyang gapangan ang mga timawa na gustong maranasan ang biyayang dulot ng BI Warden’s Facility. Bakit kaya ngayon lamang sinibak bilang warden itong si Di-katalo kung hindi pa natin ibinisto ang mga perahan sa loob ng kulungan ng mga foreigner sa Bicutan! Tama lamang ang natanggap na award ni Warden noong anniversary ng BI na “Medalya ng Pambihirang Paglilingkod”, aba’y talagang pambihira biruin mo halos 4 na beses may nakatakas sa kulungan pero tanging mga tauhan lamang nito ang mga nasibak. Hanggang nitong sa huli ay isang matandang inmate na halos 18 years na sa kulungan ang namatay at ito ay itinago dahil sa corruption sa ahensya kung saan ay iniipit ang mga petition for bail ng inmates lalo’t kung walang karga. Hindi pa kasama rito ang di-umano ay nakapapasok ang ilegal na droga at ang pamemera nila sa maperang foreigners kapag nais ang malamig na kulungan na kailangang magbayad para sa “ice room” at sa foreigners naman na walang pera ay tiis sa mainit at masikip na kulungan.

By the way, napaaga ang Christmas party ng mga kawani ng BI na gaganapin sa December 6, siyempre masaya ang lahat lalo itong si Kume na excited sa kanyang long staycation sa Japan at Germany ngayong kapaskuhan habang ang pobreng mga empleyado ng ahensya ay sadsad sa trabaho. Iba nga naman talaga lalo’t malapit ka sa kusina ng DOJ, libreng bakasyon grande na may pabaon pa! San ka pa?!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

64

Related posts

Leave a Comment