GABAY SA PAGPILI NG KANDIDATO

SA hudyat ng Commission on Elections (Comelec), nagsimula na ang mas pinaigting na antas ng kampanya sa mga kandidatong lokal na pwesto ang puntirya.

Oktubre pa lang ng nakalipas na taon marami na ang pumupustura. May mga nag-iikot sa iba’t ibang barangay para magpakilala, meron din namang mga dumadalo sa mga pagtitipon para dumulog ng suporta, gayundin ang mga namumuhunan sa paraan ng pera at ayuda.

Hindi rin naman nagpapaiwan ang mga trapong diskarte ay paninira sa kapwa kandidato, ang mga politikong magaling lang mangako at iyong pupuntahan ka lang dahil kailangan ang boto.

Lahat ‘yan hindi na bago sa publikong kadalasan ginogoyo at kalaunan nakalilimutan ‘pag naka­upo na sa pwesto.

Sa nalalapit na halalan, sana naman meron na tayong natutunan. Marami sa mga kandidato’y nagbabait-baitan. Meron din namang akala mo’y henyo sa pagpapalakad ng pamahalaan.

Ang masaklap, mas mataas ang antas ng ­siraan sa lokal na halalan, palibhasa magkakalugar at magkakakilala. May mga pagkakataong pami-pamilya nagkakagalit dahil hindi magkatugma kanilang kursunadang kandidato.

Gayundin ang walang saysay na karahasan sa malalayong lalawigan.

Ang tanong: Kaya ba ng Comelec na tiyakin ang isang malinis, maayos at mapayapang halalan?

Ang sagot: Kung Comelec lang ang aasahan, malabong mangyari ‘yan. Pero kung kalakip ang ­ating wastong kamalayan, lahat ng ‘yan maiiwasan. Dapat marahil ipaalala sa sambayanan, higit na malakas ang tinig ng nagkakaisang mamamayan. Iwaksi ang kaisipang wala kang magagawa dahil isa lang ang boto mo.

Paano nga ba ang tamang pagkilatis ng mga kandidato?

Hindi sapat ang puro porma. Mahalagang may plataporma. Kung walang plano, wala pang plataporma de gobyerno, bakit mo iboboto? Hindi paaralan ang tanggapan ng pamahalaan.

Hindi sapat ang idineklarang pagpapakilala. Dapat batid mo ang kanilang tunay na pagkatao. Malaking bentahe ang mayroon nang nagawa, walang kwenta kung puro dada at patutsada.

Hindi sapat ang tikas lang. Dapat subok ang kakayahan. Hindi sapat ang maingay lang. Dapat may paninindigan. Hindi pamantayan ng pagboto ang kasikatan. Dapat ‘yung ‘busilak ang kalooban. Hindi angkop ang puro ayuda. Dapat kabuhayan ang pangunahing programa.

Iwasan ang kandidatong madaling lapitan, pero mahirap hanapin sa panahon ng pangangailangan.

246

Related posts

Leave a Comment