GAPANGAN SA SENATE PRESIDENCY

HINDI pa man ganap na nagbubukas ang 19th Congress, kanya-kanyang gapang na ang ginagawa ng limang senador na pawang umaasinta sa iiwanang pwesto ni Senate President Vicente Sotto III.

Kabilang sina Sen. Cynthia Villar, Majority Leader Sen. Juan Miguel Zubiri, Sen. Joseph Victor Ejercito, Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Francis Escudero – lahat sila ay miyembro ng mayorya sa senado.

Sa limang interesado, medyo lamang sina Villar at Ejercito na may kaanak na kapwa senador pagsapit ng Hunyo. Hindi naman nagpapaiwan sina Zubiri at Gatchalian na diumano’y agresibong nakikipag-usap sa mga katropa nilang mambabatas.

At si Escudero? May alas na ang anak ng Bicolandia – bagay na hindi pa niya marahil ilalabas bilang taktikang mapangahas.

Sa ilalim ng umiiral na reglamento ng Senado, kailangan ng hindi bababa sa 13 boto mula sa mga kapwa senador ang sinumang puntirya ang Senate presidency.

Pero bakit nga ba maraming interesado sa pagiging Senate president? Ano ba ang mayroon sa nasabing posisyong puntirya ng mga senador?

Bukod sa prestihiyo, pinakamalapit ang Senate presidency sa mas mataas na posisyong asam ng mga ambisyoso. Bakit kamo? Nasa ikatlong pwesto ang Senate presidency – abot-kamay na lang ang pwesto ng bise-presidente sakaling matsugi o mapatalsik sa pwesto ang nakaupong pangulo.

Nasa Senate president din ang pribilehiyong magtalaga ng mga committee chairmanships batay sa kakayahan ng mga kapwa mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

May pondo ang bawat komite. Subalit, higit pa sa nakalaang pondo ang impluwensyang kalakip ng chairmanship sa mga makapangyarihang ­Senate Committees on Ways and Means, Blue Ribbon, Infrastructure, Education, Health, Agriculture at Energy.

Heto pa – nasa Senate President din ang pribilehiyong pangasiwaan ang taunang operational budget ng Senado, bukod pa sa sariling intelligence fund na halos katumbas ng intelligence fund ng Office of the President.

Higit na kailangan ngayon sa susunod na ­pangulo ang maging alisto. Hindi malayong gamitin lang ang impluwensya at sandamakmak na pondo sa paggawa ng mga bulilyaso sakaling matapat tayo sa isang dispalinghadong pinuno ng Senado.

Pag nagkataon, pahihirapan ng mga ‘yan ang susunod na administrasyon sa pagsasakatuparan ng magandang platapormang inilahad noong panahon ng kampanya.

67

Related posts

Leave a Comment