‘Gasgas Gang’ kumana na naman sa Malolos, Bulacan

BALYADOR ni RONALD BULA

MAY bago na namang “modus” na gina­gawa ng sindikatong Gasgas gang ang umarangkada sa Malolos City, Bulacan.

Sa dami ng modus, aba’y dito mas lalong kailangan talaga ang matinding pagmamatyag at pagbabantay para hindi kayo mabiktima.

Ang siste, ang mga ito ay tatambay sa mga resto bar at iinom ng alak, kapag lango na saka sila magti-trip ng kanilang bibiktimahin na kadalasan, ayon sa ilang resto bar owner, ay mga dayo.

Ang modus ng mga sindikato, ihaharang ang kanilang motorsiklo sa likurang ng mga sasakyan at naturalmente hindi mo ito mapapansin kapag aatras ka.

Iyan ang nangyari noong April 14 ng gabi habang nakaparada ako nang maayos sa Capitol view ng Malolos City kasama ang aking asawa, anak na babae, pamangkin na babae at kapatid na babae para mag-dinner at mag-unwind sa lugar.

Pagkatapos nito dahil uuwi na kami, habang papaatras ako ay bigla na lamang may kumalabog sa likuran ng sasakyan ko, ‘yon pala naatrasan ko na ang isang motorsiklo na walang plaka.

Sabi ng may-ari ng motor at mga kasama niya na nagpakilalang abogado, bayaran ko na lang daw sila ng P10,000 dahil nagkaroon ng gasgas ang kanilang motorsiklo pero nong tingnan ko, lumang gasgas lamang ito, kaya nakiusap ako na P1,000 na lang dahil iyon lang ang kaya ko, at humingi ako ng paumanhin pero imbes na pakinggan ako ay uundayan pala ako ng suntok dahil kulang pa raw na pang-inom nila ang P1,000.

Natuwa ako na may biglang dumating na police mobile pero nalungkot ako dahil imbes na saklolohan ako, bigla tayong dinala sa istasyon ng pulisya at kinumpiska ang susi ng sasakyan ko at lisensya.

Pero mapalad pa rin ako dahil hindi ako nabugbog ng grupo ng kalalakihan dahil pinagitnaan ako ng asawa ko, anak kong babae na 10 taon gulang, pamangkin kong babae na 11 taon gulang at kapatid kong babae na may sakit sa puso.

Sa totoo lang, hindi alam ng mga pulis Malolos ang takot at trauma na dinanas ng anak ko at pamangkin na mga menor de edad, natapilok pa ang paa ng anak ko at namaga ito.

Naging unfair ang isang pulis Malolos na si Police Corporal Toledo sa insidente dahil kung tutuusin kami itong agrabyado pero kami ang kinasuhan ng reckless driving at involved in accident.

Kung tutuusin hindi na kailangang umabot pa sa police station ito dahil napakasimpleng insidente lamang na puwede namang pag-usapan sa maayos na paraan pero ang nangyari, mukhang nakipagsabwatan pa yata itong si Police Corporal Toledo ng Malolos City Police Station sa Gasgas gang?

Habang isinusulat ko ang balitang ito ay agad na ipinag-utos ni Malolos City Chief of Police P/Lt. Col. Andrei Anthony S. Manglo ang agarang imbestigasyon sa umano’y Ipit gang’ o Gasgas gang at pagpapaaresto sa mga ito.

Sa ganang akin, maswerte pa rin ‘yong demonyong SUV driver na si Jose Antonio San Vicente na sumagasa nang paulit-ulit sa sekyu na si Christian Floralde sa Mandaluyong City dahil hindi ‘yon nakaranas na makulong, pero ako na kapiranggot lamang na gasgas ay ikukulong ako!

Sa totoo lang hindi lang ngayon nangyari ang naturang insidente, ayon na rin sa isang resto bar owner sa lugar, maraming beses na, ang huling biktima ay isang tricycle driver na pinagbayad din ng P5,000 sa kapirasong gasgas.

Sinabi rin ng negosyante na matagal nang naka-ban sa kanilang lugar ang naturang grupo (Ipit gang o Gasgas gang) dahil kadalasan umano na nabibiktima ng mga ito ay mga parukyano nila.

Duda rin tayo sa ikinasong reckless driving at involved in accident samantalang nasa maayos na parking area ako at ‘yong motorsiklo na naatrasan ko ay nasa likod ng sasakyan ko at wala pang plaka at wala ring maipakitang rehistro pero pinawalan ni Police Corporal Toledo?

Tama ba ito, Malolos City Chief of Police P/Lt. Col. Andrei Anthony S. Manglo, Bulacan PNP Provincial Director P/Col. Relly B. Arnedo at PRO3 Regional Director P/BGen Jose S. Hidalgo Jr., mga Sir!

PNP Chief, General Rodolfo Azurin Jr., Sir, ‘di ba ang motto ng PNP ay “To Protect and to Serve”, anyare sa mga pulis ni Malolos City, chief of police P/LT. COL. ANDREI ANTHONY S MANGLO?

Dito higit na dapat maging alerto ang mga Maloleño at Bulakeño.

Mag-ingat sa mga sindikato na ito na ang estilo ng pambibiktima ay ihaharang sa likuran ng sasakyan ninyo ang motorsiklo na walang plaka, ay talaga nga namang nakakatakot dahil sa lakas at impluwensya ng mga ito.

Dismayado rin tayo sa pagsasawalang kibo ni Malolos City Vice Mayor Migz Bautista noong gabi ng April 14 kung saan naroon siya at kitang-kita niya ang pangyayari na bilang pangalawang punong lungsod at pangalawang ama ay pwede siyang pumagitna para mamagitan pero hindi niya ginawa sa hindi natin malamang kadahilanan!

Nagpapasalamat ako kay P/Lt. Col. Manglo sa pagbalik sa aking lisensya ganoon din sa isang resto bar owner na may mabuting kalooban na namagitan, kung nagkataon pinaglalamayan na ako?!

May mga impormasyon din tayong natanggap tungkol sa modus ng Ipit gang o Gasgas gang o Bulihan boys, kasabwat at ilang tulisang pulis?

‘Yan ang tututukan natin!

@@@

Para sa suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

86

Related posts

Leave a Comment