GATE PASS MODUS SA CUSTOMS TULOY?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY natanggap tayong impormasyon na hanggang ngayon ay patuloy pa rin na umiiral ang palakasan sa Bureau of Customs (BOC).

Ang tinutukoy po nating palakasan ay kaugnay sa isyung sa pamamagitan ng gate pass lang ay maaari nang makalusot ang container sa bakuran ng BOC.

Noong nakaraang linggo, isiniwalat ito ni Jimmy Guban, dating intelligence officer ng Bureau of Customs – Port of Manila (BOC-POM) sa isinagawang pagdinig ng QUADCOM sa Kamara.

Si Guban ay nakakulong ngayon sa Bureau of Corrections (BuCor) matapos na idawit sa importasyon ng magnetic lifter na naglalaman ng 355 kilos ng shabu noong 2018.

Kaya umano nakalulusot ang container sa bakuran ng customs gamit lang ang gate pass, ay dahil sa paggamit ng impluwensya ng malapit sa unang pamilya (pamilya ng presidente).

Bukod sa paggamit ng impluwensiya, naglalatag din siyempre ang may dala ng gate pass, ng pera na mula sa P20K hanggang P50K sa bawat dadaanan ng container, na unit ng opisina ng customs.

Layunin nito na hindi na dumaan sa X-ray, inspection, at upang hindi na pagbayarin pa ng buwis ang laman ng container.

Ang pangyayaring ito ay nagiging SOP na sa customs na hanggang ngayon ay umiiral pa rin.

Kaya hindi mawala-wala ang smuggling ng illegal drugs, imported items at maging ang agri-products sa bansa.

Inaasahan na lalo pang babaha ang imported items at illegal na droga ngayong pagpasok ng ber months dahil na rin sa pagtaas ng demands nito.

Kaliwat-kanang okasyon din ang dinadaluhan ng mga Pilipino sa tuwing sasapit ang holiday seasons o kapaskuhan.

Ito rin ang panahon ng pagtanggap ng Christmas bonus, 13th month pay at iba pang benepisyo ng mga Pinoy mula sa kani-kanilang pinapasukang kumpanya o opisina.

Bukod sa gate pass modus sa customs, mayroon ding ibinulgar si Guban na swing ng container na kahit walang gate pass ay biglang nakalulusot ang kontrabando sa bakuran ng BOC na parang ‘ghost’.

Sa pagkakataong ito ay wala nang silbi ang mga patakarang ipinatutupad ng customs na tulad ng color coding.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng kulay red, yellow at green.

Sa ilalim ng red, “covering high risk cargoes, shall be mandatory subject to both x-ray scanning and physical examination.”

Sa yellow naman ay “lane is intended for cargoes with low to medium risk subject to document-check.” At ang green ay “lane for cargoes with no to low risk.”

Ang color coding na ito ay wala nang silbi sa impluwensiyang ginagamit ang pamilya ng presidente ng bansa.

Sa maliit na halaga lamang na pinakakawalan ng ilang tiwaling tao ay nakalulusot na ang kanilang mga kontrabando sa bakuran ng BOC.

Kung talagang gusto nating mabago ang kalakaran sa customs, dapat imbitahan din ng QUADCOM ang mga nasa likod ng kasalukuyang nangyayari sa BOC.

Dapat din itong ipatupad sa kasalukuyang administrasyon, hindi lamang sa nakaraang administrasyon (Duterte), nang hindi sila napupulaan ng pamumulitika.

Sa totoo lang po tayo para sa kinabukasan ng ating mga anak.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

42

Related posts

Leave a Comment