GAWING MAKABULUHAN ANG PAGIGING BATA NG ATING MGA ANAK

SA TOTOO LANG

National Children’s Month ngayon.

Paano ba natin gagawing makabuluhan ang pagi­ging bata nila upang lumaki silang may pagkilala sa kung ano sila sa pamilya nila at sa lipunang kanilang ginagalawan?

Ang inisyal na paraan para gawin ito ay iparamdam sa mga bata ang tunay na nilang mundo. Iparamdam nang husto na sila ay mga bata at huwag agawin o ilayo ang panahong ito sa kanila.

Ibigay ang sapat na oras at pagmamahal para sa kanila, tayo man ay mga magulang o tagapag-alaga, hanggang sa sila ay lumaki. Sa totoo lang, ito ay matibay na pundasyon upang maging mabuti silang mamamayan.

Mahalaga rin na ang bawat batang Filipino ay ma­ging responsable sa kanilang mga tahanan at lipunan. Hindi masama na pakilusin sila sa mga gawaing bahay o magkaroon sila ng kooperasyon para sa maayos, matiwasay at may silbing lipunan. Huwag na huwag silang hayaang maging tamad o pirming walang ginagawa.

Hindi rin lingid sa atin na ang mga bata ngayon ay lantad sa electronic devices at marami sa kanila ang mga techie. Gayunman, dapat din silang malantad sa mas may importansyang mga bagay.

Mahalagang magkaroon sila ng sapat at maayos na kamulatan sa ating kultura sa pamamagitan ng pagpunta sa mga cultural parks, rebulto, o mga libro na may kinalaman sa ating kasaysayan at ating lahi. Sa ganitong bagay ay hindi sila dapat na maging mangmang.

Importante ring mayroon silang mga pisikal na aktibidad at pakikipagkomunikasyon nang aktuwal sa ibang mga bata o mga tao para nang sa ganoon ay tunay at aktibong naeensayo ang kanilang mga katawan at isipan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

330

Related posts

Leave a Comment