GCQ PARA SA MULING PAGBANGON NG EKONOMIYA SA GANANG AKIN

Sa Ganang Akin

ANG pagtatapos ng buwan ng Mayo ang naging hudyat nang pagtatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa partikular na sa Metro Manila. Sa unang araw ng Hunyo sinimulang ipatupad ng pamahalaan ang general community quarantine (GCQ). Ang pagluwag ng restriksyon mula ECQ patungong GCQ sa kabila nang patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay nangangahulugan na ang desisyong ito ay ginawa ng pamahalaan hindi dahil sa handa na tayo kundi dahil kailangan nang umpisahan ang pagbangon at pagbabalik-operasyon ng ekonomiya.

Ang pagpapatupad ng GCQ ay sinubukan pang tutulan ng mga mananaliksik ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) dahil sa kakulangan ng sapat na datos na nagsasabing ligtas na para sa bansa na ibaba ang restriksyon ng quarantine mula sa ECQ papuntang GCQ. Tila tama naman ang mga ito dahil sa kasalukuyan ay umakyat na sa higit sa 21, 000 ang kabuuang bilang nang nagpositibo sa virus.

Naiintindihan ko ang desisyong ito ng pamahalaan. Hindi tayo maaaring manatiling takot at naka-ECQ dahil tuluyang babagsak ang ekonomiya. Pitumpong (70) porsiyento ng gross domestic product ng bansa ay nanggagaling sa Metro Manila at tanging ang GCQ lamang ang paraan sa kasalukuyan upang maisalba ang ating ekonomiya. Sa mahigit dalawang buwang pagpapatupad ng ECQ ay marami na agad ang nawalan ng trabaho. Marami ring mga negosyo ang nagsara at ang iba ay halos naghihingalo na bilang epekto ng pandemyang ito.

Ang pagpapatupad ng GCQ ay nagbigay-daan sa pagbabalik-operasyon ng mga negosyong hindi napahintulutang manatili sa operasyon dahil sa nai-kategorya sila bilang non-essential. Sa ilalim ng GCQ, ang mga negosyong ito ay nabigyan nang pahintulot na magbalik-operasyon ng kalahati ng kapasidad nito. Dahil sa mas marami nang nagbalik- operasyon na mga negosyo, marami na ring empleyado ang nagbalik-trabaho. Kailangan ay maging mas maingat at responsable ang mga taong mabibigyan na nang pahintulot na lumabas sa ilalim ng GCQ. Huwag nating hayaang masayang ang ating sakripisyo noong mga nakaraang buwan sa ilalim ng ECQ. Ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay, gumamit ng alcohol at higit sa lahat ay siguradu hing palaging naka-mask lalo na kung nasa labas ng bahay.

Ayon sa World Health Organization (WHO), natukoy nila ang pagsasagawa ng contact tracing bilang ating kahinaan. Hindi sapat na nagsasagawa tayo ng COVID test para sa mga mamamayan.

Mahalagang matukoy ang pinagmulan ng virus at mabigyan ng babala ang mga nakadaupang palad ng taong nagpositibo sa COVID-19.

Ngayong ibinaba na ang restriksyon sa GCQ, mas aktibo na ang ating papel na gagampanan sa laban sa pandemyang ito. Kung dati tayo ay nakakulong lang sa ating mga bahay bilang hakbang sa pagkontrol sa pagkalat ng pandemya, ngayong marami na ang may pahintulot na lumabas ay mas kailangan natin ng ibayong pag-iingat upang hindi madapuan ng virus. Maging responsable tayong mamamayan dahil sa atin na nakasalalay ang ikatatagumpay ng laban na ito. Ang simpleng kapabayaan ay maaaring maging dahilan upang masayang ang sakripisyo ng sambayanan noong mga nakaraang buwan.

83

Related posts

Leave a Comment