GEN. AZURIN, BGEN. LEE BINUBUKULAN NG CIDG REGION 3?

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI kaya alam nina Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., at Criminal Investigation and Detection Group Director BGen. Ronald Lee ang pinaggagawa ng mga miyembro ng CIDG Region 3?

Mga sir, nitong 2nd week ng Disyembre, ang mga miyembro ng CIDG Special Operation Group, sa pamumuno nina P/Maj. Baybayen, P/Lt. Roc kasama ng kanilang mga tauhan, ay pinasok ang isang bodega sa Bulacan.

Idinaan lamang sa tikas nina P/Maj. Baybayen, P/Lt. Roc at ang ­kanilang mga tauhan ang pagpasok sa bodega dahil wala silang dalang search warrant para masabing legal ang kanilang ginawa.

Pagpasok nina Baybayen, Roc at kanilang mga tauhan na mahigit kumulang sa 15-katao, sa warehouse ay tinanong nila agad ang may-ari ng warehouse kung may resibo, business permit ba ito at kung ano-ano pa.

Pag-alis ng grupo ng CIDG Region 3 sa warehouse ay tumangay sila ng mga item at nangotong pa ng P150K sa may-ari. Tsk! Tsk! Tsk!

Ibang klase ‘pag kumana ang CIDG Region 3, ‘pag bumanat ay ­pwersahan, kahit hindi sila armado ng search warrant, ‘pag ginusto nila ay gagawin nila. Hanep kayo mga bossing!

Hindi pa nakuntento ang mga kolokoy sa kanilang tinangay mula sa warehouse, hinihingian pa nila ng buwanang lagay (monthly) ang may-ari ng bodega.

Ngayon, laging tumatawag ang mga ito sa may-ari ng warehouse at tinatanong kung kailan daw magsisimulang magbigay sa kanila ng buwanang lagay ang negosyante. Ano ‘yan, protection money?

Ang ginagawa ng CIDG Region 3 ay gawain ng mga rebelde. Binago na ba ang mandato ng CIDG, ang maghanap ng resibo at business permit sa mga may-ari ng bodega?

Ang alam natin ay trabaho ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Local Government Units (LGUs) ‘yan.

Hindi pa nga tuluyang nakababawi ang mga negosyante sa epekto ng COVID-19 pandemic ay piniperwisyo naman sila nitong mga tauhan ng CIDG Region 3.

Sa ginagawa ng mga tauhan ng CIDG Region 3 ay malinaw na binubukulan nila sina PNP chief, Gen. Azurin at CIDG Director BGen. Ronald Lee.

Naalala ko tuloy ang inilabas na “holiday reminders” nitong nakaraan ng Civil Service Commission (CSC) sa pamumuno ni Chairman Karlo Nograles.

Base sa Section 7 (d) Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials and Employees, “Public officials and employees shall not solicit or accept, directly, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties or in connection with any operation being regulated by or any transaction which may be affected by the functions of their office”.

Karagdagan nito, sa Section 3 ng Republic Act No. 3109 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, “provides that the following among other acts or omissions, are declared to be unlawful”.

Hindi lang pagso-solicit ang ginagawa ng mga taga-CIDG Region 3, Commissioner Nograles, sir, sa isang negosyante, puwersahan pa nilang pinasok ang warehouse nito at tinangay nila ang kanilang nagustuhan.

Tahasang paglabag ‘yan sa Section 7 ng RA No. 6713 na nagsasaad na bawal mag-solicit at tumanggap ng regalo ang mga opisyal at ­empleyado ng gobyerno.

Mga sir, Gen. Azurin at BGen. Lee, pakisilip naman po ang ginagawang pamemerwisyo ng mga tauhan ng CIDG Region 3 sa mga negosyante.

Kawawa naman ang kanilang piniperwisyong negosyante, kung kailan nagsisimula pa lamang makabawi ang mga negosyante mula sa epekto ng COVID-19 ay saka naman namemerwisyo itong mga taga-CIDG Region 3.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

234

Related posts

Leave a Comment