GENOCIDE VS CHINA?

0

PALINAW nang palinaw ang mga ebidensya na ­nakalabas mula sa laboratoryo ng Wuhan, China ang pinag-aaralan nilang virus na pumatay sa 3.7 milyong tao sa buong mundo.

Habang isinusulat ko ito, mahigit 174 milyong tao ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo, kasama ang mahigit 3.7 milyon mga namatay.

Madagdagan pa ito dahil hindi pa humuhupa ang virus.

Pinagana ng China ang kanilang ­propaganda ­machine kung saan tinangka nilang ikondisyon ang isip ng mga tao sa buong mundo na wala ­silang kasalanan tulad ng pagkondisyon nila sa isip ng kanilang mamamayan.

Hindi umubra ang ­komunistang istilo ng China.

Nag-imbestiga pa rin ang mga eksperto, sa ­pangunguna ng Amerika.

Ngayon ay lumilinaw na ang mga ebidensya na nagmula nga sa Wuhan laboratory ang virus na kumalat sa buong mundo.

Hindi biro ang 3.7 ­milyong namatay sa ­COVID-19.

Tinawag ni dating US President Donald Trump na “Chinese virus” ang nasabing virus.

Sa dami ng mamamayang Filipino, mamamayang Amerikano, mamamayang Indian at mamamayan ng iba pang lahi sa buong mundo, hindi sapat na ang kasong “mass murder” lang ang isampa laban sa China.

Sa ibang magugulong bansa na pinamumunuan ng mga ganid sa kapangyarihan at nagkakaroon ng maraming pagpatay sa mga tribo ay tinatawag itong “genocide” dahil nangangahulugang ­binubura mo ang kanilang lahi.

Sa dami ng namatay sa COVID-19, dapat genocide din ang ihaing kaso laban sa China.

Genocide ang dapat ikaso sa China, lalo na kung mapatunayang nagmula nga sa Wuhan laboratory ang virus.

Itinago ng China ang katotohanan tungkol sa COVID-19.

Hinayaan pa ang kanilang mamamayan na umalis sa Wuhan at pumunta sa iba’t ibang panig ng mundo na naging dahilan para kumalat ang virus sa apat na sulok ng planeta.

Dito sa ating bansa, may plano ang ating ­gobyerno na kasuhan ng “murder” ang mga Filipino na alam nilang positibo sila sa COVID-19, pero nagpakalat-kalat pa rin kung saan-saang panig ng bansa.

Kaya, marami silang nahawaan.

Kung ganyan itrato ang mga tao, dapat ding kasuhan natin ang China ng ­genocide dahil ­parang sinadya ang pagkalat ng virus dahil kung hindi ­sinasadya, hindi nila dapat hinayaan ang mga ­taga-Wuhan na umalis sa kanilang lugar at pumunta sa iba’t ibang bansa.

Ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa ay ­taga-Wuhan China dahil hindi agad nagsara ng boarder si Health Secretary ­Francisco Duque III upang hindi raw masaktan ang China.

Kung hindi tayo ang magsasampa ng kaso, dapat kasama tayo sa mga bansang magrereklamo tulad ng Amerika na magsasampa ng kaukulang kaso laban sa China.

Hindi natin dapat ­palagpasin basta-basta ang ­nagawa ng China dahil ang daming pinatay at inilugmok ng COVID-19, lalo na tayong mga Filipino sa kahirapan.

Walang nakaaalam kung kailan tayo makakabangon mula sa kahirapang ito.

Mahigit isang taon na ang pandemyang ­dinaranas natin, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natin ­natatanaw ang araw na makababalik tayo sa “normal” nating buhay.

Kaya, hindi puwedeng ‘di mapanagot ang China.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment