OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
MATAPOS ang ilang buwang pagsasamantala at panggugulang ng mga tusong negosyante, malaki ang kumpiyansa ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos na magbabalik na sa normal na halaga ang sibuyas at asukal sa darating na mga araw.
At isa sa mga naisip na solusyon ng pamahalaan ay ang pagtatalaga ng hanggang dalawang buwang buffer stock para matiyak ang kasapatan ng supply ng nasabing mga produkto at pigilan din ang pagsipa ng presyo ng mga ito.
“We will maintain from now on, in sugar, a two-month buffer stock… so that people will know hindi tayo magkaka-shortage dahil lagi tayong mayroon two-month na buffer stock which I will maintain,” sabi ni Marcos.
Inilahad ni PBBM ang plano sa panayam ng mga reporter habang lulan sila ng Flight PR001 patungo sa Davos, Switzerland kung saan ay dadalo siya ng World Economic Forum (WEF).
Bukod sa dalawang buwang buffer stock, tiniyak din niya na hahabulin nila ang lahat ng mga smuggler at profiteers na siyang nasa likod ng pagmamanipula ng suplay ng agricultural products sa merkado.
“The smuggling, ‘yun talaga… kailangan talagang i-solve ‘yun. Masyadong laganap ang smuggling dito sa Pilipinas kahit na ano ini-smuggle eh. So we have to really look into that and we have some very good ideas,” banggit pa ni PBBM.
Plano din ng kanyang gobyerno na gawin dito sa bansa ang mga sistema laban sa smuggling na ipinatutupad sa ibang bansa lalo’t higit iyong may kaugnayan sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya.
Mabuti naman at talagang plano nang tutukan ni PBBM ang pagsugpo sa mga masasamang gawain ng mga kartel ng sibuyas at asukal at iba pang sindikato na kumokontrol sa suplay ng mga produktong pag-agrikultura sa bansa.
Sa totoo lang ay ang mga kartel na ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin na tuluyang umalagwa ang ating ekonomiya sa kabila ng mga reporma na ginagawa ng pamahalaan.
Bukod sa ang taumbayan ang nahihirapan sapagkat bagamat tumaas ang employment rate ay kinakapos pa rin sila dahil sa mas mataas na presyo ng mga pagkain dahilan sa artificial shortage na nililikha ng mga kartel na ito.
Maliwanag na economic sabotage ang ginagawa ng mga kolokoy na ito kaya naman tama ang prayoridad ni PBBM na sugpuin nang tuluyan ang mga sindikatong ito.
Kapag nangyari iyon ay nakatitiyak tayo na maibabalik na ang katatagan ng suplay at presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa at tuluyan nang aalagwa ang ating ekonomiya.
235