GILAS PILIPINAS: ANG TELENOBELA NG PINOY BASKETBOL

MY POINT OF BREW

UNA sa lahat, nais ko batiin ang Gilas Pilipinas para sa kanilang panalo laban sa bansang Cambodia at nakuha muli natin ang gintong medalya. Ito ang patunay muli na ang Pilipinas ang hari ng basketbol sa Southeast Asia.

Napakaganda at nakaka-suspense ang mga pangyayari sa Gilas Pilipinas sa kanilang lakbay upang mabawi ang gintong medalya sa larong men’s basketball division sa SEA Games. Matatandaan na tinalo tayo ng bansang Indonesia, dalawang taon na ang nakaraan sa 31st SEA Games na ginanap sa Vietnam.

Binatikos ng mga netizen ang pangyayaring ito na tila hindi katanggap-tanggap para sa karamihan ng mga Pilipino, kung saan ang larong basketbol ay tila bahagi na ng buhay natin. Nagalit at sinisi si coach Chot Reyes at ang SBP sa nakakagulat na pagkatalo nila sa Indonesia. Ito ang kauna-unahang pangyayari na nawala sa Pilipinas ang kampeonato sa SEA Games Basketball mula noong 1989 na hindi natin naipagtanggol ang gintong medalya.

Fast forward tayo sa 2023, at tila hindi rin maganda ang umpisa ng Gilas Pilipinas sa tangka nilang bawiin ang korona sa 32nd SEA games. Ang host country, Cambodia, ay gumawa ng kakaibang plano upang lumakas ang tsansa nila na sungkitin ang gintong medalya sa basketbol.

Aba’y kumuha ba naman ng anim na mga Amerikano upang maglaro sa koponan ng Cambodia. Ginawan nila ng paraan upang makasali sa national team ang Cambodia sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘temporary’ Cambodian passport para maging kwalipikado na maglaro sa Cambodia. Simple lang po ang tawag diyan. GARAPALAN.

Kaya naman, kasama sa telenobela ng Gilas Pilipinas, natalo ang ating koponan sa unang sigwada o elimination round ng 5×5 men’s basketball tournament. Niyanig muli ang basketball fans natin. Pati ang kilalang supporter ng basketball ng Pilipinas na si Manny Pangilinan ay hindi nakapagpigil at inilabas ang kanyang hinanakit sa twitter at sinabi niya na kahiya-hiya ang pagkatalo natin sa unang laro laban sa Cambodia.

Subali’t tulad ng isang telenobela, nagkaroon ng magandang pangyayari at nagkakaroon ng pagkakataon na talunin ang tinatawag na ‘kontrabida’ sa telenobela at pag-asang bawiin ang korona sa finals ng men’s basketball tournament.

‘Against all odds’ ang Pilipinas. Anim na mga higante at magagaling na manlalaro mula sa US. Hindi biro ang kinuhang mga mersenaryo ng Cambodia. Mga NCCA Division 1 ang mga ito. Hindi lang ‘yan. Ang kanilang coach na banyaga ay sakto sa kanyang papel dito sa telenobela bilang kontrabida. Maangas at mayabang. Ipinakita niya ito sa pagkapanalo nila sa Pilipinas sa kanilang unang salpukan.

Ganoon pa man, ipinakita ang PUSO ng ating Gilas Pilipinas. Tinalo at nilampaso nila ang Cambodia. Hindi pinaporma ng Gilas ang Cambodia. Bihirang nakalamang ang mga mersenaryo laban sa ating mga manlalaro. Kinalaunan ay lamang ng mahigit sampung punto ang Gilas laban sa Cambodia.

Ito ang ‘ending’ ng isang kabanata ng Gilas Pilipinas. May susunod pa na hamon para sa kanila, ganoon din ang sambayanan. Ito ay ang pag-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup sa buwan ng Agosto.

Ang pakiusap ko na lamang sa ating mga kababayan, suportahan natin ang Samahan Basketball ng Pilipinas (SBP) at ang Gilas Pilipinas. Pinatunayan nila na may PUSO sila. Para sa Bayan. Huwag na nating asahan na masusungkit natin ang kampeonato sa FIBA World Cup. Hindi talaga mangyayari ito.

Ang mahalaga ay ipakita natin sa buong mundo na karapat-dapat lang na iginawad sa atin ang pag-host nito. Mahalaga na may maiwan tayong magandang imahe sa mga pupunta sa Pilipinas para saksihan ang FIBA World Cup. Hindi tulad ng ginawa ng host country Cambodia sa 32nd SEA Games.

Patuloy pa rin nating susubaybayan ang telenobela ng Gilas Pilipinas.

248

Related posts

Leave a Comment