DPA ni BERNARD TAGUINOD
MASASAKSIHAN na naman natin ang mga gimik na gagawin ng mga politiko lalo na ang mga senatorial candidate sa susunod na walong araw mula ngayon, October 1, para makakuha ng atensyon at libreng media mileage.
Ilang beses na rin akong nag-cover sa paghahain ng mga politiko kanilang certificate of candidacy (COC) lalo na ‘yung national candidates o ‘yung mga tumatakbo sa Senatorial, Presidential at Vice Presidential election at malapista talaga ang paligid.
Hindi kasama ang presidential at vice presidential election ngayong 2025 dahil midterm election ito o nasa gitna ng termino ng kasalukuyang administrasyon kaya ang daragdag sa tent city sa isang hotel dyan sa Luneta, ay mga senatorial at party-list organizations.
Kailangan kasi sa mismong Commission on Election (Comelec) headquarters ihahain ng mga senatorial candidate at party-list organizations ang kanilang COC dahil national elective position ang kanilang mga tatakbuhan.
Maraming senatorial candidates ang magimik kapag naghahain ng kanilang COC tulad ng pagsakay sa motorsiklo patungong Comelec para palabasin na isa siyang simpleng tao pero ang totoo, pautot lang niya ‘yun.
Tulad ng isang reelectionist senator noong pinatakbo ito ng kanyang amo dahil sumikat dahil sa kase-selfie, ay dumating sa Comelec na nakasakay sa motorsiklo na sinalubong ng sandamakmak na supporters na may mga puwesto sa gobyerno.
Gagawin din kaya ulit niya ang pagsakay sa motorsiklo pagpunta sa Comelec? ‘Yung supporters na sumuporta sa kanya sa paghahain ng kanyang COC ay darating din ba kaya ulit sila? Abangan natin.
May mga kandidato naman ang nagdadala ng banda na lalong magpapaingay sa paligid habang nasa likod nila ang mga taong sumusuporta kuno sa kanya at itinatanggi na hinakot niya ang mga ‘yun pero lahat sila nakasuot ng t-shirt na may pangalan siya ha.
‘Yung iba naman nagdadala ng artista para siya ay mapansin pero madalas, ‘yung artista naman ang pinagkakaguluhan ng mga tao at hindi siya pero atleast nakakuha siya ng atensyon ng media.
Marami rin ang pa-cute at nagbabait-baitan at sila mismo ang lumalapit sa mga tao para makipagkamay at makipag-selfie pero kapag nanalo na, hindi mo ‘yan malalapitan dahil sa dami ng kanyang hawi-boys.
Ganyan ka-impokrito ang karamihan sa mga politiko natin pero nagtataka ako bakit ibinoboto pa rin sila ng mga tao? Walang kada-dala ang mga botante. Ibinoboto nila kung sino ang sikat at hindi tinitingnan ang kwalipikasyon.
Dapat talaga magkaroon ng voters education at targetin ‘yung mga tulad ng isang supporter ni Marcos Jr., na tinadtad ng poster ng UniTeam ang kanyang barong-barong noong 2022, pinaghahalikan ang poster, naglulupasay sa saya pero malamang hindi ‘pa ‘yun nakabibili ng P20 na kilo ng bigas.
25