TARGET ni KA REX CAYANONG
PARANG nagwawaldas daw ng pera ang Office of the Vice President (OVP).
Sinabi ni House Deputy Minority Leader France Castro nitong Lunes, sa loob lang daw ng 19 araw ay nakagasta ang OVP ng P125-million confidential fund.
Nangyari raw ito mula Dec. 13 hanggang Dec. 31, 2022.
Ang pahayag ni Castro ay ginawa niya ilang araw bago ang presentasyon ng P2.374 billion proposed funding ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte para sa 2024.
Dito ay binanggit ni Castro ang Special Allotment Release Order (Saro) na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM) noong Dec. 13, 2022 na may kinalaman sa confidential expenses.
Ang pinagbasehan daw dito ng kongresista ay ang Commission on Audit (COA) 2022 Audit Report sa OVP.
Kinukuwestiyon niya kung bakit ganoon kalaki ang badyet ng OVP kahit na ito’y isang civilian agency na walang national defense o law enforcement function.
Sa kabilang banda, tinawanan lang naman ito ni Duterte. Bukas na bukas si VP Sara para sa anomang imbestigasyon.
Binigyang diin ng bise-presidente na hindi niya kailangang magpaliwanag kay Castro.
Para kay VP Sara, aba’y si Castro raw ay kagaya ng isang estudyante na pumasok sa klase nang hindi handa tulad ng isang mahusay na guro.
Well, alam naman nating kaya itong ipaliwanag ng kampo ni Duterte.
Kapansin-pansin nga naman na tila puro satsat lang ang ginagawa nitong si Castro.
Lahat na lang yata ng hakbang ng pamahalaan ay pinupuna ng mambabatas.
Naku, marami pa tayong dapat abangan.
Giit kasi ni VP Sara, sasagutin niya ang alegasyon ni Castro kapag nagsimula na ang imbestigasyon at umarangkada na ang budget hearing.
