KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
PORMAL na nagsimula nitong Martes, October 1, ang 2025 midterm election nang magsumite ang mga politiko sa iba’t ibang panig ng bansa ng kanilang “certificate of candidacy” para sa gagawin nilang pagkandidato sa pinapanang posisyon sa halalan sa Mayo sa susunod na taon.
Tulad ng maraming eleksyong dumaan, maraming mukha at dahilan ang mga kandidato. Pero sa kabuuan, masakit mang aminin, ang marami sa kanila ay naghahangad lang ng kapangyarihan at pagkakataong kumita ng limpak-limpak na salapi na kakabit ng target na pwesto kung papalarin silang manalo.
Bagama’t mayroon din namang ilang kandidato na may matapat na layuning makapaglingkod sa kanilang mga kababayan sa lokalidad at sa buong sambayanang Pilipino sa target nilang posisyon sa Kongreso at Senado. Patnubayan nawa sila ng ating Panginoong Diyos at tulungan natin silang magtagumpay sa kanilang laban.
##########
Krusyal para sa ating bansa at sa sambayanang Pilipino ang isasagawang halalan. Masasalamin sa magiging resulta ng botohan, lalo na sa labanan sa Senado at Kongreso, kung may pagbabago na ba sa mentalidad ni Juan de la Cruz sa pagpili niya ng mga mamumuno sa pambansang antas ng pamahalaan.
Ang masaklap naman nito, sa listahan ng mga kandidatong senador ni PBBM, walang bagong mukha. Sila-sila rin. Iisang pamilya. May mga saglit na nawala at ngayon ay naghahangad na muling makabalik sa dating puwesto.
Sa mga susunod na araw ay inaasahang maglalabas na rin ng listahan ng mga kandidatong senador ang kampo ni dating Pangulong Duterte. Pero may aasahan ba tayong bagong mukha sa kanila? Wala. Katulad din sila ng mga karakter, personalidad at motibasyon ng mga alipores ng Malakanyang.
##########
At sa unang pagkakataon, aktibong lalahok sa digmaan patungo sa Senado ang mga kasapi ng progresibong grupo.
Sa ilalim ng bandila ng Makabayan coalition, isusulong ng 11 kandidato nila bilang senador ang kanilang kolektibong sigaw na “Taumbayan sa Senado”.
Ang ibig sabihin, panahon na upang magkaroon ng representasyon sa Senado ang tunay na kinatawan ng mga ordinaryong Pilipino at wakasan ang monopolisasyon ng mga tradisyunal na politiko at mga kasapi ng “political dynasties” sa bansa.
Bukod sa 11 kandidato ng Makabayan, may 2 pang lider obrero ang naghahandog din ng kanilang sarili upang makapaglingkod bilang senador.
At may ilang indibidwal pa rin na wala sa kampo ni PBBM at Digong ang nagpapahayag din ng pagkandidato bilang senador.
##########
Ngunit kung mananatiling iiral sa kukute ng maraming mamamayan ang kaisipang sugal ang eleksyon at kailangang ang iboboto nila ay ‘yung siguradong mananalo; na ang halalan ay isang pagkakataon na kumita ng pera sa pamamagitan ng panghihingi o pangongotong sa kandidato; na todo pa rin ang palakpak nila sa mga artista at sikat na kandidato kahit walang laman ang utak; na wala silang pakialam sa magiging resulta ng eleksyon at ang magiging konsekwensya nito sa direksyon ng bansa at kinabukasan ng mamamayan…sama-sama na tayong magbigti sa Luneta!
Dahil kahit na wagas ang layunin ng kandidato, kung hindi naman sila aktibong susuportahan, ikakampanya at iboboto ng mamamayan dahil walang sandamakmak na pera para sa magastos na kampanya…suntok sa buwan ang kanilang tsansang manalo. Ang resulta? Talo si Juan, Angge, Maria at Ambo. Bigo ang pangarap nilang magkaroon sana ng positibong pagbabago sa kanilang buhay
##########
Sa eleksyon sa mga lokal na pamahalaan, mananatiling naka-angkla sa personal na dahilan ang basehan ng pagboto ng mamamayan.
Kilatis na nila ang kabuluhan at kawalang kabuluhan ng mga politiko sa kanilang lugar. Ang mga peke at tunay. Ang totoong lingkod-bayan at manderekwat lang.
Kung maling kandidato ang pagtitiwalaan nila ng boto, sila rin ang magiging biktima ng kanilang lisyang desisyon. Magtitiis sila ng tatlong taon.
God save the Philippines.
19