TARGET NI KA REX CAYANONG
ILANG buwan matapos ang 2022 national and local elections, tila nawalan daw ng presensya sa social media si Cavite Gov. Jonvic Remulla.
Huling nag-post ang Facebook page ni Remulla noon pang Nov.1, 2022 tungkol sa bagyo sa Luzon.
Mula noon, halos wala nang narinig pa ang mga tao tungkol sa kanya sa internet.
Wala na ring updates tungkol sa mga programa at proyekto ng gobernador.
Ngunit napag-alaman natin na ‘super busy’ pa rin naman ngayon si Gov. Remulla sa kanyang trabaho.
Ibig sabihin, hindi dahil wala siya sa social media ay hindi na siya nagtatrabaho.
Talagang gusto lang daw munang tutukan ni Remulla ang kaliwa’t kanang trabaho niya sa pamahalaang panlalawigan ng Cavite.
Katunayan, tuloy-tuloy ang samu’t saring proyektong pangkaunlaran ng masipag na gobernador.
Ang Cavite governor ay may mabigat ding trabaho bilang chef-de-mission sa Paris Olympics sa susunod na taon.
Siya ang pumalit noong Pebrero 2023 kay Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio.
Sinasabing si Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino ang mismong nagtalaga sa kanya.
Well, ang 55-anyos na gobernador ay isang sportsman dahil siya ay honorary chairman ng National Rowing Association at team manager ng University of the Philippines men’s basketball squad.
Sa kasalukuyan, katuwang ni Gov. Remulla sa kanyang trabaho ang Cavite Provincial Police Office (PPO).
Sunod-sunod ang operasyon laban sa mga kriminal na bahagi rin ng direktiba ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr.
Ayaw ni Remulla na mamayagpag sa kanilang probinsya ang masasamang elemento kaya’t nais niyang tuloy-tuloy at walang patid ang mga operasyon ng mga awtoridad.
Mababa naman daw ang crime rate dahil sa ginagawang pagtugis ng mga pulis sa mga pusakal na kriminal at sindikato sa lalawigan.
So far, maayos ang peace and order situation sa Cavite.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
