GOV. MAMBA KAYA BANG TUMANGGI KAY PBBM?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

MANANATILI kayang makatatanggi si Cagayan Governor Manuel Mamba na isama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang lalawigan sa mga lugar na magiging bahagi ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites?

Ang nasabing kasunduan ng Pilipinas at Amerika ay may kaugnayan sa kooperasyong militar.

Sa pinakahuli nating pagkakaalam, nanatili ang desisyon ni Gov. Mamba sa pagtutol na maisama ang kanyang lalawigan na magkaroon ng EDCA sites.

Sinabi ng gobernador na may panawagan si PBBM, subalit nananatili siyang ayaw magkaroon ng EDCA sites sa Cagayan, sapagkat magiging magnets of attacks ng US adversaries dahil sa presensya ng foreign forces (US Armed Forces).

Umaasa ang gobernador na irerekonsidera ni PBBM ang desisyon nito na isama ang Cagayan sa EDCA.

Naniniwala si Mamba na ikokonsidera ni PBBM ang kanyang desisyon, sapagkat may limang iba pang sites na paglalagyan nito.

Gusto ni Mamba na laging palakaibigan ang Cagayanos sa kapitbahay na mga bansa.

Hindi natin masisisi si Gov. Mamba na tanggihan n’ya na magkaroon ng EDCA sites sa kanyang lalawigan dahil ito ang unang bobombahin ng China kung sakaling magkainitan ang dalawang higanteng mga bansa (China at US).

Ang Cagayan ay pinakamalapit na probinsya ng Pilipinas sa bansang China na kakumpitensya ng Amerika sa negosyo at iba pa.

Mas gusto ni Gov. Mamba na maging kaibigan na lamang ang mga kapitbahay na bansa sa Asya tulad ng China kesa maging kaaway sila.

Nitong nakaraang Lunes, inihayag ng Malacañang ang apat na karagdagang military facilities sa bansa na maaaring gamitin ng US forces sa ilalim ng EDCA.

Ayon sa Presidential Communications Office, ang mga bagong EDCA site ay ang Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at ang Balabac Island sa Palawan.

Una nang sinabi ni Marcos na nakikipag-ugnayan na ang national government sa local government units na nagpahayag ng alinlangan tungkol sa pagkakasama ng kanilang lugar sa EDCA.

Matatandaang taong 2014 nang pirmahan ng Pilipinas at US ang EDCA, na nagbibigay pahintulot sa mga tropa ng US military na makigamit ng Philippine military facilities.

Kasama sa kasunduan ay pagpapahintulot sa US troops na maglagay ng kanilang kagamitan at mga sasakyan gaya ng eroplano at barko sa mga lugar na tinukoy sa EDCA.

173

Related posts

Leave a Comment