GUTOM AT PAGOD ANG DINARANAS SA AMO

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NOONG nakaraang Miyerkoles ay binigyan pansin natin ang sumbong ni OFW Cindy na isang OFW sa bansang ­Kuwait na pinagdaramutan ng pagkain ng kanyang amo. Sino nga namang tao ang ­sisipaging magtrabaho kung puyat at pagod na pagod ka na ay kumakalam pa ang iyong sikmura. Matapos nating mailathala ang sumbong na ito ni OFW Cindy ay agad nating ipinarating kay Labor Attaché Nasser Mustafa na mabilis ­naman umaksyon.

Sa araw naman na ito ay bibigyan naman natin ng pansin ang sumbong ni OFW Jemina Masduela na isang OFW sa ­bansang Jeddah, Saudi Arabia. Ayon sa ipinarating na impormasyon ni OFW Jermina ay nakarating siya sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng Skyline Manpower Solution noong Marso 13, 2022.

Simula nang nakarating siya sa kanyang amo ay hindi man lamang nito naranasan ang pangangalaga ng kanyang amo. Diumano ay isang nilagang itlog lamang ang halos araw-araw na pinapakain sa kanya.

Ayon sa sulat na ipinadala ni OFW Jemina: “Isang buwan pa lamang ako sa amo ko ay ­nag-refuse to work na po ako dahil sa loob pa lamang ng isang buwan ay laging nilagang itlog ang ipinapakain sa akin, at ­minsan nga ay halos pabulok na ang itlog na ibinibigay. Halos 4 hanggang 5 oras lamang ang tulog ko at lagi pong nila-lock ang pinto ng apartment na mistula akong nakakulong”.

Dahil dito ay nagsumbong si OFW Jemina sa kanyang ­ahensya at nakiusap ito na pauwiin na lamang siya sa Pilipinas. Ngunit hindi pumayag ang kanyang ahensya na Skyline Manpower Solution at sinabihan lamang ito na ililipat na lamang sa ibang employer.

“Matapos nito ay pumayag ang aking employer na ilipat na lamang ako sa ibang amo at dinala sa Al Khobar.” Pagdating niya sa Al Khobar imbes na sa bagong employer siya dalhin ay pinatira lamang siya sa bahay ng may-ari ng ahensya sa Saudi Arabia at doon ay pinagtrabaho siya ng halos dalawang buwan na walang sweldo.

Hanggang sa bahay ng may-ari ng ahensya ay ­nararanasan pa rin ni OFW Jemina ang labis na pagkagutom dahil isang beses sa isang araw lamang siya binibigyan ng pagkain.

Kung kaya labis ang paki­usap ni OFW Jemina sa AKO-OFW upang siya ay matulungan na makauwi na lamang sa Pilipinas.

Ang sumbong na ito ni OFW Jemina ay ating ipinarating kay Director Connie Marquez ng OWWA Overseas ­Operation, upang makipag-ugnayan sa Saudi Recruitment Agency (SRA) para masiguro na ito ay mapauwi na sa Pilipinas sa ­lalong ma­daling panahon.

***

Ngayong alas-6:00 ng gabi ay ating tatalakayin ang iba pang suliranin ng ating mga OFW sa ating programang Bantay OFW sa DWDD 1134 KHz AM radio ng Armed Forces of the Philippines.

Related posts

Leave a Comment