HACIENDA NG MGA YULO EXEMPTED SA CARP?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TATLUMPU’T limang taon nang lumalaban ang mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa binubungkal na lupa sa mga bayan ng Coron at Busuanga. Mga lupang sinasaka na habambuhay man nilang bungkalin ay hindi magiging kanila.

Hindi rin kayang puwersahin ng Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, ang pamilyang pilit na umaangkin sa Yulo King Ranch na sumasakop sa 40,000 hectares sa loob ng mga bayan ng Busuanga at Coron sa lalawigan ng Palawan.

Ayon sa isang career official ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tuluyan nang ibinasura ang hiling ng mga magsasaka na ipamahagi sa kanila ang 8,000-ektaryang bahagi ng Yulo King Ranch, halaw sa pangalan ng isa sa mga crony ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Handa naman daw ipaubaya ng DENR ang nasa 2,000 ektarya ng nasabing hacienda.

Paano makikinabang ang mga magsasaka sa tinutukoy na 2,000 ektaryang lupain na umano’y matagal nang iginawad sa New San Jose Builders Inc. na pinaniniwalaang pagmamay-ari pa rin ni Sec. Jerry Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Ano ang nangyari noon? Paano naigawad ang 2,000 ektarya sa kompanyang New San Jose Builders?

Flashback muna tayo. Taong 1975 nang lagdaan ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation No. 1387 na nagdeklara sa YKR bilang isang pastulan.

Noong 1986, matapos mapatalsik ang rehimeng Marcos, kabilang ang YKR sa mga na-sequester ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa alegasyong isa ang hasyenda sa Marcos’ ill-gotten wealth.

Ang pangangasiwa ng Yulo King Ranch ay inilipat sa Bureau of Animal Industry (BAI), na ginawang Breeding and Experimental Station ang propyedad.

Marso 2010: Pumasok sa eksena ang Korte Suprema, na inatasan ang pamahalaan na tanggalin sa talaan ng sequestered properties ang Yulo King Ranch na noon pala’y target nang ibenta sa kumpanya ni Acuzar.

Noong Mayo 2010, nilagdaan ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Presidential Proclamation 2057, na nagbibigay pahintulot sa Philippine Forest Corp. (Philforest) na pangasiwaan ang lupang una nang idineklara ni Marcos Sr. bilang pastulan.

Sa ilalim ng proklamasyon ni Arroyo, ginawa na lang palamuti ang PCGG at BAI. Inatasan din ni Arroyo ang BAI na ibigay sa Philforest ang lahat ng mga dokumento, ari-arian, rights at iba pang meron ang YKR.

Nang umupo bilang Pangulo si Noynoy Aquino, nagparatang si dating Philforest president Jun Lozada na naigawad na sa New San Jose Builders Inc. ni Acuzar ang 2,000 ektaryang lupa na parte ng Yulo King Ranch.

Sa umano’y kontrata ng Philforest at NSJBI ni Acuzar, iginawad sa kompanya ang 2,000 ektaryang lupa sa Busuanga, Palawan, sa ilalim ng Busuanga Economic Productivity mula sa Idle Land Agreements.

130

Related posts

Leave a Comment