TAMAD daw ang mga Pilipino, sabi noon ng isang kinatawan ng Pilipinas sa Tsina.
Ang Totoo: ang pahayag ng naturang Pinoy na kinatawan ng bansa sa Tsina ay pagtatanggol sa pagtanggap ng mga manggagawang Intsik sa Pilipinas kahit kulang pa nga para sa mga Pilipino ang trabaho rito.
Mali na hayaang agawan ng trabaho ng mga Intsik ang mga Pilipino, tamad man o hindi ang mga ito, kasing mali ng pagsasabi na tamad ang mga Pilipino.
Ang Totoo: kilala at subok ang mga Pilipino, hindi lamang sa kasipagan, pati sa kahusayan.
Isang halimbawa ang mga manggagawang base o empleyado noon ng mga baseng militar ng America sa bansa tulad ng sa Subic at Clark.
Mahigit 20,000 “direct-hire” Pinoy employees o direktang empleyado na sibilyan at mahigit dobleng bilang na “indirect-hire” employees, ng US Navy ang nagtrabaho sa Subic at Clark, kabilang tayo riyan.
Matiwasay at epektibong gumana ang naglalakihang base militar ng Amerikano dahil sa sipag at galing ng mga Pilipino sa loob ng halos isang siglo.
Ang Totoo: kahit ang “State” ng Hawaii ay nakinabang sa sipag at galing ng mga manggagawang Pilipino, gaya ng isla ng Guam kung saan maraming Pinoy ang inaasahan ng Amerika sa pamamahala.
Hindi na natin kailangang ipagduldulan ang mga manggagawang Pinoy sa Gitnang Silangan o Middle East.
Maging ang bansa natin mismo, makikita ang bunga ng kasipagan at husay ng manggagawang Pilipino na ngayon ay sinasampal na lang ng kalapastanganang hagupit ng administrasyong Duterte para lamang sumipsip sa kinababahagang-buntot na Tsina.
Mali na sabihing tamad ang manggagawang Pilipino gaya nang maling pagsabi na lahat ng “media” ay “corrupt.”
Ang Totoo: tama na may mga “corrupt” sa “media” tulad ng may mga tamad na manggagawang Pilipino. Pero para sabihing lahat ng “media” ay “corrupt” at ang lahat ng manggagawang Pilipino ay tamad, aba’y katarantaduhan na ito.
Hinay-hinay dapat ang pang-aalipusta sa sariling lahi, huwag gumaya sa mga nakalolokong pahayag ng Pangulo dahil ang Pangulo sa ngayon ay parang nasisiraan ng ulo.
117