SADYA ba’ng mahina ang mga intelligence unit ng Philippine Drug Enforcement Agency–National Capital Region (PDEA–NCR) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Philippine National Police (PNP) o namimili sa mga tinitiktikan?
Ito ang natural na tanong ng mga journalist kapag mayroon kaming nababalitaang estabilisimiyento na mayroong nagaganap na ilegal.
Batay sa nakalap na impormasyon, sa Brgy. Poblacion sa Lungsod ng Makati ay mayroong establisimiyentong ‘pugad’ ng ecstasy.
Ang establisimiyentong ito (na itatago muna natin ang pangalan) ay regular umanong nagaganap ang kasiyahan ng mga taong pumupunta rito.
Masayang-masaya ang mga taong nagsisipunta sa hostel dahil sa ecstasy na high-grade ang kalidad na kanilang nabibili at natitikman.
Hindi agad mabibisto ang ecstasy na inaalok sa mga parokyano ng nasabing hostel, sapagkat “liquid” ito.
Napakalakas daw ng tama ng nasabing ecstasy sa nasabing hostel.
Ayon pa sa impormasyon, mayroong opisina ang isang abogado sa pinag-uusapan nating establisimiyento.
Ang nasabing abogado ay konektado dati sa Office of the Ombudsman.
Masasabi kong salbahe ang abogadong ito dahil hindi siya kumikilos laban sa labag sa batas.
Hindi niya ipinararating sa PDEA–NCR at NCRPO ang pagiging ‘pugad ng ecstasy’ ng gusaling kinaroroonan ng kanyang opisina.
Maliban sa ilegal na droga, namamayagpag din ang prostitusyon sa nasabing hostel.
Mayroon ding puwesto ang isang kompanyang pasok sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa naturang gusali.
Ang alam ko, ayaw na ayaw ni Mayor Marlen–Abigal “Abby” Binay–Campos ang ilegal na droga, prostitusyon at POGO, ngunit patuloy na namamayagpag ang mga ito sa isang gusali sa Brgy. Poblacion.
Hindi kumikilos ang pulisya sa Makati, kaya, napakalaking hamon sa intelligence units ng PDEA–NCR at NCRPO upang matunton hanggang madiskubre nila ang hostel sa Makati na sinasabing pugad ng ecstasy.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
366