PALIIT na nang paliit ang kinikita ng mga tsuper ng jeep.
Naglalaro na lang sa P300 hanggang P400 ang kanilang kinikita sa bawat araw nilang pamamasada dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sobrang baba nito kumpara sa tinatayang family living wage na P1,100.
Inihayag ito ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) National President Mody Floranda kaugnay sa panibagong serye ng oil price hike nitong Martes.
Batay sa mismong pag-aaral ng IBON Foundation, dapat ay P1,133 kada araw ang kailangan ng isang pamilya para lamang matugunan ang pangangailangan sa loob ng isang araw, gaya ng pagkain.
Nangangahulugang pagkakasyahin pa rin ang P1,133 na hindi rin ganap na naglalarawan ng maginhawang pamumuhay.
Ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ang ikatlong sunod na linggo ngayong unang buwan ng taon, ay pasanin din ng mamamayan na simot na ang bulsa sa wala ring humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Saan hahantong ang karampot na baryang iniuuwi ng mga drayber ng jeep, at bilang kabilang sa ordinaryong mamamayan ay maitatawid ba ng katiting na kita ang araw-araw na pakikisapalaran ng mga ito?
Sa halip na pagaanin ay lalong pinabibigat ang buhay ng mahihirap dahil tila mahirap sa mga nasa puwesto ang magbigay ng solusyon.
Laging rason ang oil trading sa pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, ngunit walang ginagawang dahilan para gumawa ng hakbang upang bawasan man lang ang epekto sa mamamayan.
Ngayon, kung ang hari ng lansangan ay hindi nagbibigay ng ginhawa sa nasa manibela nito, ano ang silbi ng bansag at trono?
