HAO SHIAO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SA lahat ng propesyon ay may tinatawag na mga hao shiao, pero ang katagang ito ay sa aming propesyon sa pamamahayag. Eto ‘yung mga pekeng reporter na wala namang pinagsusulatan pero nasa mga beat at umiikot sa mga opisyales ng gobyerno.

Kahit sa mga lawyer, doctor at maging sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may mga hao shiao o nagpapanggap na mga abogado, doctor, pulis at military.

Marami na ang naging biktima ng mga hao shiao na abogado, doctor, pulis, military at iba pang mga propesyon na malalakas ang loob na gumagawa ng kabalbalan at sila pa ang mas maaangas kaysa mga totoong tao na ginagaya nila.

Sa aming propesyon, alam mong hao shiao ang isang reporter kung may malalaking ID na nakasabit sa kanilang leeg na suot-suot kahit sa pampublikong lugar tulad ng public utility vehicles, malls at iba pang lugar na kahit walang coverage ay idini-display pa nila sa kanilang sasakyan sa pag-aakalang makatutulong sa kanila kapag lumabag sila sa batas trapiko.

Isinusuot lang ang press ID kapag may coverage kaya wala kang makikitang mga totoong reporter na may malalaking ID na nakasabit sa kanilang leeg pero ‘yung mga hao shiao, kulang na lang 24/7 nakasuot ng ID.

Eto rin ang mga taong pinapasyalan ang mga opisyales ng gobyerno sa kanilang tanggapan, nagso-solicit ng kung ano-ano kaya malaking kasiraan ito sa media profession pero walang batas na nagbabawal sa mga hao shiao na reporter.

Hindi tulad ng PNP at AFP, kapag may nagpapanggap na pulis at militar na mahuhuli ay sinasampahan nila ng kasong usurpation of authority, pero sa media ay wala kaya maraming tinatawag na ‘inutusan ng kanyang nanay na bumili ng toyo at nakapulot ng ID’ presto, reporter na sila.

Karaniwan itong nangyayari sa print media pero marami ring mga broadcaster na maituturing na ‘hao shiao’ na binigyan ng pagkakataon na magkaroon ng programa sa telebisyon at radyo dahil nakakuha ng konek sa maimpluwensyang mga tao.

Karamihan sa mga ito ay hindi accredited ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) at kapag nasa harap na ng mikropono ay hindi na maalala ang Code of Ethics sa pamamahayag.

Sabagay, wala naman talaga silang background sa media dahil hindi naman sila nakapagtapos ng kursong may kinalaman sa komunikasyon kaya wala silang alam sa panuntunan ng pamamahayag.

Ang masaklap, ang mga hao shiao na ito ang mas maangas kumpara sa totoong reporters o broadcasters, nagpapanggap na maraming alam at wala nang ginawa kundi batikusin ang kritiko ng kanilang mga amo. Kung lahat ay babatikusin, ok ‘yun pero kung tanging ang kritiko ng kanilang amo ang napupuna, hindi ‘yun ok.

Kapag pinanagot na ang mga ito sa kanilang iresponsableng pamamahayag, ay magrereklamo na kesyo may karapatan sila bilang mamamahayag, sumasandal sa Sotto Law at humihingi ng fairness pero noong magdadaldal sa harap ng mikropono, wala silang pakialam sa mga taong kanilang sinisiraan at inaakusahan na walang sapat na ebidensya. Wala akong partikular na tinutukoy na mga tao ha!

178

Related posts

Leave a Comment