HAPPY NEW YEAR

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

SA Linggo ng madaling araw ay sasalubungin na natin ang taong 2023 kaya Happy New Year po sa ating lahat. Marami tayong dapat ipagpasalamat sa KANYA, unang-una ay ­nakaligtas tayo sa COVID-19 at buhay pa tayo.

Alam kong marami tayong pinagdaanang pagsubok sa lilipas na taon at nagdaang mga taon mula nang manalasa ang pandemya pero marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat sa KANYA na nasa itaas dahil hindi NIYA tayo pinabayaan.

Sabi nga ng marami, ang buhay ay “hindi bed of roses”. ­Marami tayong pagdaraanang pagsubok sa buhay. Hindi lahat ay saya kaya nararapat lang ­nating paghandaan ang lahat. Ang importante, hindi tayo susuko.

Actually, masuwerte pa rin tayong mga Filipino (maliban doon sa mga kababayan natin na Eastern Samar at Misamis ­provinces na nilubog ng baha) dahil kahit papaano ay payapa pa rin sa ating bansa, hindi katulad ng ilang bansa sa Gitnang Silangan at Ukraine na nasa gitna ng giyera.

Kilala tayong mga Pinoy bilang resilient at mapagmatiis dahil ang lagi nating iniisip kapag may mga pinagdaraanan ang a­ting bansa tulad ng pagtaas ng presyo ng pagkain, ay lilipas din ‘yan kaya “tiis-tiis lang muna”.

Lagi nating naririnig sa ­ating mga magulang noon ang ­kasabihan na “Kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot” at ina-apply natin iyan sa ­araw-araw nating pamumuhay habang tayo ay tumatanda at ipinapasa ­naman natin sa ating mga anak.

Pero ang dalangin ko, huwag naman sanang abusuhin ng mga lider ng ating bansa ang ­pagiging resilient ng mga Pinoy dahil ­responsibilidad nila tayo kapalit ang binabayaran nating buwis sa gobyerno.

Tungkulin ng mga lider ng bansa na bigyan tayo ng maayos na buhay mula sa abot kayang ­presyo at sapat na pagkain sa ating hapag kainan, maayos na kapaligiran, maayos na transportasyon, trabaho, hustisya at payapang komunidad.

Kaya tayong kinokolektahan ng buwis para gumana ang gobyerno, ay dapat maibigay sa atin ang aking mga nabanggit na kaya namang ibigay kung walang corruption na nangyayari sa pagpapatakbo sa gobyerno.

Tandaan natin na hindi lamang ang mga halal at appointed officials ang nasasangkot sa katiwalian dahil marami rin sa mga empleyado lalo na sa hanay ng mga opisyales, ang tiwali pero ang mga politiko lang ang ating nakikita.

Marami riyan ang hindi kumikilos kapag wala silang mapapala sa mga papeles na nasa harap nila o kaya hindi nila inaaksyunan ang mga bagay na idinudulog sa kanila nang walang lagay.

Kasama sila dapat sa tumbukin. Marami nang corrupt officials ang wala na sa gobyerno pero malala pa rin ang corruption dahil nga nand’yan pa ang ­corrupt officers sa mga ahensya ng gobyerno na hindi basta-basta nawawala dahil sila ay protektado ng civil service.

Kung pati ang mga ‘yan ay mawawala, palagay ko ay ­gaganda ang buhay ng mga Filipino at maibibigay sa kanila ang mga serbisyo na nararapat sa kanila kapalit ng kanilang binabayarang buwis.

Pero sabi ko nga, habang ­buhay, may pag-asa, malay natin sa pagpalit ng taon ay may tutumbok sa kanila. Happy New Year ulit.

54

Related posts

Leave a Comment