HARASSMENT KAY CONG. TEVES DAPAT TINGNAN NG PALASYO

BISTADOR Ni Rudy Sim

TILA pambabraso at nagagamit sa pulitika ang ating pulisya laban kay Negros Oriental, 3rd District Rep. Arnie Teves Jr. matapos ang nakakadudang naging aksyon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nagpalabas ng isang Praise Release kung saan ay idinetalye na nagkaroon umano ng problema sa dokumento ng mambabatas na kanyang isinumite para sa kanyang personal firearms kaya’t ni-revoke ang karapatan nitong magdala ng sandata upang ipagtanggol ang sarili sa anomang panganib.

May kinalaman kaya rito ang pagpalag ng mambabatas sa umano’y intelligence reports na natanggap nito kamakailan na mayroong maitim na balak ang kanyang kalaban sa pulitika upang sirain ang kanyang kredibilidad?

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang PNP ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng DILG sa pamumuno ni Secretary Benhur Abalos, na matatandaang pinasaringan kamakailan ni Cong. Teves patungkol sa pag-uugnay sa kanya sa E-Sabong na mariing itinanggi ng mambabatas.

Nakapagtataka naman po, Sec. Abalos, Sir, na sa loob ng maraming taon ay bakit ngayon lamang ito inilabas kung nagkaroon ng problema sa papeles at bakit masyado itong pinalaki samantalang malaking suliranin din sa ating bansa ang loose firearms na nagagamit sa kaliwa’t kanang krimen.

Sino kaya ang nasa likod ng tila pangha-harass ng pulisya sa mambabatas? Mayroon kayang kinalaman dito ang nalalapit na 2025 election kaya’t dalawang taon pa lamang ngayon ay ginigiba na si Teves?

Ang pangyayaring ito ay isang paglabag sa confidentiality at karapatan ng isang tao na hindi idinaan sa due process o binigyan ng pagkakataong magpaliwanag at ibigay ang kanyang panig.

Sana naman ay huwag magpagamit si Abalos sa laro ng maruming kalakaran sa pulitika upang hangga’t maaga ay maiwasan ang muling pagdanak ng dugo kagaya na lamang ng nangyari noon sa madugong Maguindanao massacre na ikinasawi ng 58 buhay kabilang ang maraming miyembro ng media.

Panawagan ng nasasakupan ni Cong. Arnie Teves Jr. kay Pangulong Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr., agad bigyang pansin ang insidente at bigyan ng patas na hustisya ang bawat panig upang ang takot sa mamamayan ng 3rd district ng Negros Oriental ay mawala at malaya silang makapili ng lider sa kanilang lalawigan.

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

 

65

Related posts

Leave a Comment