HEADS WILL ROLL DAW SA BI, TOTOO NAMAN KAYA?

BISTADOR ni RUDY SIM

“HEADS will roll and all hell will break loose!” Ito ang mariing ipinagdiinan ni Department of Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla matapos ang pasabog ni Senadora Risa Hontiveros sa napabalitang pagtakas ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Si Guo na sinasabing mastermind at main incorporator sa Lucky South 99, at Hongshen Gaming Technologies na pawang POGO Hubs diyan sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.

Mariin ding kinondena ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagtakas na ito ni Guo at sinegundahan din niya ang paniwala ni Hontiveros na nakatakas si Guo sa pamamagitan ng pagpuslit sa hindi pa malamang paliparan.

“Malinaw na ginisa tayo sa sarili nating mantika at pinagmukha tayong katawa-tawa sa mata ng sambayanan” ito ang galit na galit na tinuran ng senador.

Siyento por siyento na nakatutok ang mata ng lahat sa naging partisipasyon o pagkukulang ng law enforcement agencies sa pagpuga na ito ni Alice Guo. Kailan lang ay nagkaroon pa ng balasahan “kuno” ng mga namumuno diyan sa NAIA 1 & 3 pero anong silbi ng palitan na ‘yan?

‘Di bat nag-reshuffle din sa mga buwaya sa airport na hanggang sa kasalukuyan ay naghahasik ng lagim? Baka kulang ang natatanggap na intelihensya? Hehe!

Samantala, ayon din sa inilabas na praise release ng Bureau of Immigration, nakatanggap sila ng impormasyon na nasa Singapore na si Alice Guo kasama ang kanyang pamilya. Ganun lang ba ito kasimple, Commissioner Tansingco?

So, ano ang silbi ng mga paghihigpit n’yo sa airports at seaports kung ang isang gaya ni Alice Guo ay para lang nakikipag-patintero para makatakas? For sure may kumita o nakinabang diyan sa bakuran mo!

Bakit hindi? Eh saan manggagaling ang tatak ng Philippine passport na ginamit ni Guo para makalabas ng bansa at gayundin para makapasok ito ng Malaysia o kung saan mang lupalop siya nagmula!

Kung sasabihin n’yo naman na lumabas ito via backdoor o sa seaports and border crossing stations, hindi ba meron kayong immigration and intelligence officers na naka-duty sa mga lugar na ito?

May tinatawag tayo na COMMAND RESPONSIBILITY, at kung sumablay ang iyong opisina, ‘di ba karapat-dapat lang na bumaba ka na sa pwesto dahil kwestyonable na ang pagiging epektibo mo sa pamumuno ng opisina? Incompetent baga! Sapol ba rito si Kume Tan5?

Naghahanda na sa pandinig sa susunod na mga araw sa Senado, sina Sen. Sherwin G. at Madam Risa H. Sana naman hindi pang-grandstanding ang tutumbukin ng inyong imbestigasyon, your honors!

Tungkol naman kay Secretary Boying Remulla, patunayan mo, bossing, na totoo ang sinasabi mo na may mga ulong gugulong sa inyong departamento. Sana naman hindi pera ang gugulong na aareglo sa mga tatamaan!

Bat hindi mo na lang unahin ang pinaka-ulo ng BI nang maramdaman namin ang iyong tikas, Sir?

Hihintayin namin yan!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

45

Related posts

Leave a Comment