HEALTH PROGRAMS NI CONG. ATORNI MIKE TAN AT TATAKBONG ALKALDE NG CALOOCAN SI TRILLANES!

TARGET ni KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na ang pagkakaapruba sa House Bill No. 4244 sa deliberasyon ng Committee on Health ay hindi lamang isang tagumpay para kay Quezon 4th District Cong. Atorni Mike Tan, kundi para sa buong lalawigan.

Ang naturang panukalang batas na naglalayong gawing tertiary level hospital at regional training center ang Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena ay magdadala ng mas mataas na antas ng serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan.

Sa pag-apruba ng komite, inaasahan na muling magiging bukas ang pintuan ng oportunidad para sa mas marami pang mga mamamayan. Mula sa 200 na bed capacity, itataas ito sa 700, na naglalayong tugunan ang mas mataas na pangangailangan para sa de-kalidad na serbisyong medikal sa probinsya.

Ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng malasakit at dedikasyon ni Congressman Tan sa pangangalaga ng kalusugan ng mga taga-Quezon.

Isa itong patunay na ang pangarap ng Quezon na maging isang sentro ng kalusugan at edukasyon ay unti-unti nang natutupad.

Ang pag-usbong ng QMC bilang isang tertiary level hospital at regional training center, ay nagbibigay-daan sa mas mataas na antas ng mga serbisyong pangkalusugan, nagbubukas ng mas maraming pagkakataon para sa edukasyon at pagsasanay sa larangan ng medisina.

Patuloy nating suportahan ang mga proyekto nina Gov. Helen Tan at Cong. Mike Tan na naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat taga-Quezon, at higit sa lahat, ang pangarap ng isang maunlad at malusog na lalawigan.

Samantala, sa 2025 polls, tila magkakaroon daw ng mahigpit na katunggali ang mga Malapitan sa Caloocan City. Ito’y matapos kumpirmahin ni dating Senador Antonio Trillanes IV na naghahanda at pinag-iisipan niyang sumabak sa laban para sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod.

Ang pahayag na ito ay agad na bumulaga sa marami, lalo na sa mga regular na tagasuporta ng Malapitan political dynasty. Ang mga Malapitan ay kilala sa mahusay na paglilingkod sa Caloocan, subalit sa pagdating ni Trillanes sa eksena, nagiging mas makulay at waring mas magiging komprehensibo ang larawan ng pulitika sa lungsod.

Ang pagiging bantog ni Trillanes sa pambansang entablado ay nagbibigay-daan sa isang kakaibang aspeto ng kompetisyon o halalan. Ang kanyang mga karanasan sa Senado at ang kanyang mga pambansang adhikain ay maaaring maging malaking impluwensya sa pang-lokal na pamahalaan.

Kung sakali, ang mga isyu ng korupsyon, kaayusan, at pangkalahatang kaunlaran ay maaaring magiging sentro raw ng kanyang kampanya.

168

Related posts

Leave a Comment