‘HIDDEN AGENDA’ SA AWAYAN NINA CONG. ANDAYA AT SEC. DIOKNO

SIDEBAR

Mukhang walang planong tumigil si Camarines Sur Congressman Rolando Andaya Jr. sa kanyang pagbatikos kay Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management.

Sa kanyang pinakahuling banat, inakusahan ni Andaya si Diokno ng “panunuhol” sa Mababang Kapulungan sa halagang P40 billion kapalit ng pagtahimik ng mga kongresista sa isyu ng P75 billion na “insertions” sa panukalang 2019 budget.

Si Andaya ang chairman ng House appropriations committee at kanyang sinabi na nangyari ang panunuhol sa kanya ni Diokno sa isang lunch-meeting na si DBM Undersecretary Mina Pangandaman ang nag-arrange.

Dating kalihim ng DBM si Andaya sa ilalim ng administrasyon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo at ilang Kongreso na rin ang nagdaan kung saan hinawakan ni Andaya ang chairmanship ng House appropriations committee na dati ring hawak ng kanyang amang kongresista na si Rolando Sr.

Walang duda na kabisado ni Andaya ang lahat ng pasikut-sikot sa national budget at ganoon din naman si Diokno na naging budget secretary ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Ang malaking tanong ay kung bakit patuloy ang awayan nina Andaya at Diokno gayung puwede naman silang mag-usap nang mahinahon dahil pareho naman nilang kabisado ang pambansang budget.

May kinalaman kaya ang patuloy na pagbatikos ni Andaya kay Diokno sa ambisyon ng una na muling mabalik bilang kalihim ng DBM matapos magtapos ang kanyang termino bilang kongresista sa Hunyo 30, 2019?

At may kinalaman din kaya ito sa mga umuugong na balita na nagpahiwatig si GMA na gusto niyang maging kalihim ng Department of Finance kapalit ni Secretary Carlos Dominguez na sinisisi ng ilang mga pro-GMA na kongresista sa naging problema sa mataas na presyo ng mga bilihin na nagpalobo sa inflation rate.

Kung si GMA ang masusunod, dapat ilagay bilang gobernador ng Bangko Sentral si Dominguez kapalit ni BSP Gov. Nestor Espenilla na balitang may malubhang sakit at nais nang magbitiw sa kanyang puwesto para magpagamot.

Kung magiging finance secretary nga naman si GMA, nasa mainam na posisyon siya para mag-project na economic manager katulong ang kanyang mga dating gabinete gaya ni Peter Favila na miyembro ngayon ng Monetary Board.

At kung si GMA din ang masusunod, gusto niyang maging director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) lang at kunin si dating agriculture secretary at ngayo’y Bohol Congressman Arthur Yap.

Tumatakbong gobernador ng Bohol si Yap laban kay dating Cabinet Secretary Jun Evasco kaya ang “sweetener” ni GMA ay paatrasin si Yap para walang kalaban si Evasco at kapalit nito ang NEDA.

Inaasinta rin ni GMA ang DBM para kay Congressman Andaya na tagapagtanggol ni GMA sa mga banat kamakailan ni Secretary Dominguez na nagsabing ang dating administrasyong Arroyo ang pumalpak sa pag-handle ng financing package mula sa China sa pamamagitan ng maanomalyang NBN-ZTE deal.

Lumilitaw na ang mga nabanggit ang “hidden agenda” sa pang-aaway ni Andaya kay Diokno at ang tanong ay kung makukumbinsi si Pangulong Duterte na ibigay kay GMA at mga dati nitong gabinete ang DOF, DBM at NEDA para maging chief economic manager ang dating pangulo. Abangan. (SIDEBAR/RAYMOND BURGOS)

6

Related posts

Leave a Comment