ILANG araw pa lang mula nang nagpalit ng taon ngunit tila napakarami nang nangyari hindi lang sa ating bansa kundi pati sa buong mundo. Nariyan ang nangyayaring bushfire sa Australia, ang patuloy na pagbuga ng volcanic ash ng bulkang Taal na nakaapekto na sa maraming kalapit na lugar pati sa Metro Manila, at ang pinangangambahang posibilidad ng pagkakaroon ng World War III bunsod nang pag-atakeng ginawa ng Amerika sa Iran ilang linggo ang nakakaraan.
Sa kabila ng napakaraming kaganapan, isa pa rin ang usapan ukol sa pag-atake ng Amerika sa Iran na sinusubaybayan ng karamihan. Nakagugulat na humantong sa ganitong desisyon si US President Donald Trump. Hindi ko lubos mawari kung bakit at paano siya nagbitiw ng ganoong desisyon – isang desisyon na hindi ginawa ng sinuman sa kanyang mga sinundan.
Ngayon, isa sa pinangangambahan ay ang kung paano haharapin ng Iran ang ginawang pag-atake ng Amerika na siyang pumatay sa malalaking personalidad sa kanilang hukbong militar na sina General Qasem Soleimani at Iraqi Top Commander Abu Mahdi al-Muhandis. Bunsod nito ay umusbong ang ideya na posibleng magkaroon ng World War III.
Bagamat hindi pa tiyak kung paano ito makaaapekto sa ating relasyong pang-internasyonal sa dalawang bansang sangkot, ito ay tiyak na may direktang epekto sa ating bansa. Maaari itong makaapekto sa paglago ng ating ekonomiya lalo na kung magkakatotoo ang pangamba ng karamihan na magbubunga ito ng panibagong giyera. Maaaring ding pumalo sa mataas na presyo ang mga produktong langis pati ng kerosene na siyang inaangkat natin mula sa Gitnang Silangan. Bukod dito, nasa libo rin ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nakadestino sa Gitnang Silangan.
Sa kabila ng lahat ng kaguluhan at pangamba ng marami, nakabibilib kung paanong naging mabilis ang reaksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangyayaring ito. Ipinatawag agad nito ang mga miyembro ng kongreso upang pag-usapan ang nangyayaring hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Amerika at Iran. Para sa ating pangulo, ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan ang kanyang pangunahing inaalala.
Inutos agad ni Pangulong Duterte na maglaan ng budget para sa pagpapabalik ng mga OFW mula sa Gitnang Silangan. Naglabas din agad ng kautusan ang ating pamahalaan ukol sa sapilitang pagpapabalik ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Iran at Iraq sa gitna ng tensyonadong sitwasyon sa Gitnang Silangan. Tinatayang 1,600 na Pilipino ang kasalukuyang nasa Iran at 6,000 naman ang naka-destino sa Iraq.
Sa kabila ng ilang negatibong komento ng ibang sangay ng ating pamahalaan sa ating pangulo, hindi naman maitatanggi na mayroon tayong lider na mabilis umaksyon at magdesisyon sa oras ng mga kagipitan. Hindi tuloy nakapagtataka na napakataas ng approval rating ni Pangulong Duterte na nasa humigit kumulang 80%.
Hindi aatras si Pangulong Duterte at lalong hindi palalampasin nito ang pagkakataong makatulong sa at maprotektahan ang kanyang mga kababayan. (SA GANANG AKIN / Joe Zaldarriaga)
211