HIGHLY COMPETENT ANG BBM ECONOMIC TEAM

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NAKATUON ang pansin ng lahat ngayon sa anunsyo para sa mga miyembro ng gabinete na bubuo sa administrasyong Marcos, na silang inaasahang mamuno, mamahala, at magiging utak sa inaasam ­nating pagbangon ng ekonomiya.

Ito ay isa sa mga napakahalagang bagay na dapat pagtuunan sapagkat kung mas maaga ang anunsyo, mas ­magiging maayos ang transisyon mula sa mga miyembro ng gabinete ng ­administrasyong Duterte, lalo na at ilang araw na lamang ang natitira at opisyal nang uupo ang susunod na administrasyon.

Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM), na kabilang sa kanyang gabinete sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, na siyang susunod na kalihim ng Department of Finance, at papalitan ni Monetary Board Member Felipe Medalla sa BSP.

Ang dating Socioeconomic Planning Secretary na si Chairman Arsenio Balisacan naman ay naatasang bumalik sa National Economic and Development Authority, samantalang si International Development banker Alfredo Pascual naman ang mamumuno sa Department of Trade and Industry.

Kabilang din sina Vice President-elect Sara Duterte sa Department of Education, dating MMDA Chairman Benhur Abalos sa Department of the Interior and Local Government, Bienvenido Laguesma na babalik sa Department of Labor and Employment, Trixie Cruz-Angeles bilang PCOO at Press Secretary, at ang batikang abogado na si Atty. Vic ­Rodriguez, bilang kanyang ­Executive Secretary.

Hindi pa man kumpleto ngunit marami na ang nagbigay ng ‘seal of approval’ sa mga napiling indibidwal ni BBM lalo na sa kanyang economic team, sapagkat silang lahat ay highly competent, subok, at may kakayahan upang pagsilbihan at pamahalaan ang kagawarang itinalaga para sa kanila.

Ayon kay BBM, prayoridad niya ang ekonomiya ng bansa at batid niya ang pagiging kritikal ng pagbuo ng economic team kung kaya’t kinailangan niyang maging masusi sa pagpili sa mga bubuo nito.

Ilang mga lider na rin ng mga business group ang nagbigay ng approval para sa economic team ni BBM, katulad ng ­Philippine Chamber of Commerce and Industry; Makati Business Club; pati na rin si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.

Maging si Senador at presidential candidate Panfilo Lacson ay aminado na wala siyang nakitang problema sa mga napili. Ayon sa kanya, ang lahat “so far” ay kwalipikado.

Sa kagustuhan at panganga­ilangan nating muling ibangon ang ating ekonomiya at suportahan ang mga negosyo sa ating bansa, pinakaaabangan ang anunsyo ng economic team ni BBM lalo na sa mga investor at negosyante, sapagkat ang kanilang kaalaman sa negosyo ang magbibigay sa atin ng ­kasiguraduhan at pag-asa para sa ating ekonomiya, lalo at ang kanilang kaalaman ay napakalaking bagay upang makamit natin ito.

Kaya naman ang pagpili ni BBM sa mga ito ay isang ‘sigh of relief’ dahil ito ay nangangahulugan na ang ekonomiya ay nasa mabubuting kamay. Nawa’y suportahan natin ang bubuo sa gabinete ni BBM dahil ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng bayan.

Related posts

Leave a Comment