HINAING NG TRANSPORT GROUP, HUWAG BALEWALAIN

KAALAMAN ni MIKE ROSARIO

MAY punto ang transport group sa kanilang hinaing kaya sila nagsagawa ng protesta kahapon na nakaapekto sa mga pasahero.

Gusto ng grupong ito na igiit sa gobyerno na huwag i-phase-out ang traditional jeepney na pinagkakakitaan ng ordinaryong libu-libong Pinoy.

Aalisin ang traditional jeepney tapos papalitan ng tinatawag nilang modern jeepney na ang makikinabang ay ang mga multi-national company.

Imbes na makatulong sa mga ordinaryong driver/operator ang modern jeepney ay magiging problema pa ito dahil sobrang mahal ng presyo nito.

Kung hindi tayo nagkakamali, nasa P1.5-M hanggang P2-M ang presyo ng bawat unit ng modern jeepney.

Sa ganyang presyo, paano mababayaran ‘yan ng mga ordinaryong driver/operator na dati lamang nagmamay-ari ng second hand traditional jeepney?

Sa mga ordinaryong driver naman na hindi operator, mataas din siyempre ang kanilang arawang boundary sa modern jeepney dahil hahabulin ng may-ari nito ang kanyang malaking buwanang hulog sa kanyang inutang na sasakyan.

Kung ikukumpara sa traditional jeepney na may halagang P300K hanggang P600K, ay sobrang laki ng diperensiya sa modern jeepney na may halagang P1.5-M hanggang P2-M.

Kung titingnan natin ang kapakanan ng mga driver, mas makabubuti sa kanila ang traditional jeepney dahil mas mura itong ‘di hamak sa modern jeepney na magpapalubog sa kanila sa utang.

Sa ganang akin, mas pabor pa rin ako sa traditional jeepney, hindi kailangan baguhin ang hitsura nito, pagandahin lamang upang maging presentable ito.

Sa traditional jeepney na ito, dito tayo nakilala bilang lahi ng mga taong malikhain.

Sa mga gumagawa naman ng traditional jeepney, ito ay malaking tulong sa kanila para magkaroon ng pagkakakitaan kung maipagpapatuloy nila ito.

Hindi katulad ng modern jeepney na iginigiit ng gobyerno na ang makikinabang ay ang mga multi-national company na pagmamay-ari ng mga dayuhan.

Mahalin natin ang sariling gawa, huwag ang dayuhang gawa, ‘yan ay kung gusto nating umunlad ang ating Pilipinas.

Sa paggiit natin na palitan ng modern jeepney ang traditional jeepney ay parang pinatay natin ang sarili nating produkto. Esep-esep din pag may time.

54

Related posts

Leave a Comment