HINDI DAPAT CONGRESSMEN HUMINGI NG PRANGKISA NG NETWORK

DPA

KAILANGAN sigurong baguhin ang sistema sa paghahain ng aplikasyon sa prangkisa ng mga broadcast network upang hindi mapagdudahan ang mga kongresista na mayroon silang personal na interest sa kumpanya.

Sa ngayon kasi, ang mga kongresista ang mismong naghahain ng panukala para sa aplikasyon ng prangkisa ng mga television at radio station kaya talagang pagdududahan sila ng mga tao.

Tulad nitong prangkisa ng ABS-CBN, 18 Congressmen/women ang nasa likod ng 12 panukalang batas sa Kamara para i-extend ang prangkisa ng network ng panibagong 25 taon.

Sigurado, boboto agad ang mga iyan sa pagpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN dahil hindi nila puwedeng kontrahin ang kanilang sariling panukalang batas. Papaano kung may mga isyu sa isang network na kailangan munang resolbahin, hindi na pakikinggan?

Hindi ko sinasabi na may personal interest ang mga kongresistang ito na sumusuporta sa prangkisa ng ABS-CBN pero yan ang duda ngayon ng mga tao sa labas ng Kongreso. Hindi natin sila masisisi.

Kaya para maiwasan ang pagdududa, bakit hindi baguhin ang ‘rules’ sa ‘franchise application’ ng mga broadcast network. Ipagbawal sa mga miyembro ng Kapulungan na sila ang maghain ng panukala.

Hayaan ang mga may-ari ng network o mga private group na siyang maghain ng request sa Kongreso para sa ekstensyon o bagong prangkisa ng lahat ng mga broadcast network.

Lahat ng request, i-endorso sa House rules committee na dapat magdedesisyon naman kung ipapasa ang House committee on legislative franchise o hindi.

Puwede naman sigurado itong gawin ng Kongreso at kayang-kaya nilang baguhin dahil may mga rules nga na binabago nila kung gusto nila tulad ng ‘rules of impeachment’ na ilang beses na nilang binago.

Ang pangit kasing tingnan na ipinagtatanggol ng isang kongresista ang prangkisa ng isang network kahit maraming alegasyon nang paglabag sa ibinigay na prebilehiyo sa kanila.

Sarado na agad ang kanilang isip sa anumang alegasyon na ibinabato sa isang network dahil mismong ang nasa likod ng panukala na bigyan ulit sila ng panibagong prangkisa.

Matagal nang hindi napapansin ng media ang prangkisang ibinibigay ng Kongreso sa mga radio at tv network at saka lang napagtuunan ng pansin ito dahil sa kontrobersya sa ABS-CBN franchise.

Nagugulat na lang ang mga kagawad ng media na may inaprubahang prangkisa ang franchise committee at napirmahan na ng pangulo ng bansa ang batas, dahil hindi newsworthy ang tingin ng lahat sa mga ibinigay na prangkisa ng Kongreso.

Kahit ang mga network na nabigyan ng franchise, hindi naman nilang ibinabalita na binigyan sila ng panibagong prangkisa na ang nag-sponsor ay ang mga kabagang na miyembro ng Kamara.

Kaya para maging neutral ang mga kongresista sa pagdedesisyon sa franchise ng isang network, huwag silang payagan na sila ang maghain ng panukalang batas dahil isang kumpanya lang ang makikinabang sa kanilang panukala. BERNARD TAGUINOD

133

Related posts

Leave a Comment